Mga teenager: Huwag manigarilyo!
HINDI pa rin masugpo ang paninigarilyo kahit napakarami ng kampanyang nagpapahinto sa bisyo ng paninigarilyo. May mga lugar pa nga na idineklarang “no smoking” zones; may mga bayan din na nagpapatupad ng “no smoking” ordinance. Ang mga pakete ng sigarilyo ngayon, kung papansinin, ay nagtataglay ng mga larawan ng masasamang epekto nito. Nakadidiri ngang masdan ang mga litratong naroon. Pero kahit ano pang mga initiatives ang ginagawa natin, hindi pa rin talaga maihinto ng ating mga kababayan ang paninigarilyo. Talaga yatang iba ang epekto ng nikotina sa ating katawan.
Karamihan sa mga adults ngayon na naninigarilyo ay nagsimulang magsigarilyo noong sila ay teenagers pa lamang. Pero may iba pa ngang ‘di pa man teenager ay sumubok nang manigarilyo. Yung iba, iniisip na sosyal ang praktis ng paninigarilyo. Mangyari kasi’y nakikita nilang kahit ang mga sikat at mayayaman ay naninigarilyo rin. Sabi nga, na-glamorize ng media at advertising ang paninigarilyo kaya nahihirapan tayong lumubay dito. Dahil dito, sa tingin ko, dapat na nating kausapin ang ating mga anak tungkol sa paninigarilyo. Kung nagsimula nang manigarilyo ang bata at doon pa lang natin sila kakausapin, baka late na ito. Magandang ngayon pa lang ay maitanim na natin sa kanilang murang isip ang ‘di magandang epekto ng habit na ito sa ating katawan. Kung mas maaga natin itong maipapaalam sa ating mga anak, mas malaki ang tsansang malabanan nila ang pang-akit na dulot ng paninigarilyo.
Makatutulong kung gagawin ang mga sumusunod:
• Kausapin ang inyong anak sa epekto ng paninigarilyo sa katawan. Sabihin sa kanila ang posibleng dulot nito gaya ng kanser sa baga, emphysema, bronchitis, at iba pa. Sabihin sa kanila na maaaring hindi pa ito lalabas hangga’t bata pa sila pero aanihin nila ito pagdating panahon. Banggitin din na nagdudulot ito ng mabahong hininga, paninilaw ng ngipin, atbp. Baka makatulong din kung babanggitin ang ilang kaanak o kaibigan o kakilala na nagkasakit o namatay dahil sa mga sakit na may kaugnayan sa paninigarilyo.
• Maging mabuting halimbawa sa anak. Mahirap sabihin sa anak na huwag manigarilyo kung kayo mismo ay naninigarilyo. Kayo ang magiging modelo nila. Tandaan, may kasabihan tayong “kung ano ang ginagawa ng matatanda, ginagaya ng mga bata.”
• Magtakda ng mga panuntunan. Ipanunawa sa anak na may mga rules na dapat sundin sa inyong pamilya at isa ang paninigarilyo na di nila dapat gawin. Pangatawanan ang pagdidisiplina. Ipaalam din ang posibleng consequences kapag hindi sila sumunod sa paalala (halimbawa: Hindi sila puwedeng maglibot sa mall, hindi sila makagagamit ng internet, etc). Stick by the rules.
• Turuan ang mga bata na tumanggi sa alok ng mga kaibigan. Sa magkakabarkada, nandiyan ang peer pressure. Tiyak na pipilitin silang makigaya sa kanila. Pero mahalagang maituro sa anak kung paanong magalang na magsabi na “ayaw nilang manigarilyo.”
• Ipaunawa sa mga bata na mukhang cool lamang ang paninigarilyo kasi’y yun ang ipinakikita ng media at mga patalastas. Siyempre, anumang produkto, kahit posibleng makasama sa katawan, ay ipa-package nang mahusay ng mga gumagawa ng patalastas upang maibenta nila ito.
• Sabihin din na kapag naadik na sa paninigarilyo, nahihirapan na ang nakararami na ihinto ito. Kaya huwag nang subukan pa.
- Latest