KUNG nakiayon lang sana sa platapormang pagbabago ang mga binitbit ni Pres. Digong Duterte na magtrabaho sa kanyang administrasyon, malaki ang pagkakataon nang bansa na umasenso, pero sa unang taon pa lamang nang panunungkulan ni Digong, lumutang na ang corruptions at maling diskarte ng ilan sa miyembro ng kanyang Gabinete at mga bitbit nito na tumulong diumano sa kanya noong 2016 Presidential election.
Maluwag din nitong tinanggap ang mga naglundagang pulitiko sa kanyang kampo, kahit marami sa mga ito ang may masasamang record sa panunungkulan.
Intriga, prinsipyo at kumplikasyon ang umentra
Ang mga miyembro ng Gabinete ni Digong na may dedikasyon sa trabaho tulad ni DENR Sec.Gina Lopez, DFA Sec. Perfecto Yasay Jr. at DSWD Sec. Judy Taguiwalo na ni-reject ng Commission on Appointment ay nakapanghihinayang. May mga sinibak din dahil nawalan ng tiwala ang administrasyon tulad ni DILG Sec. Ismael Sueno at Housing Sec. VP Leni Robredo.
Ilan sa mga sinibak mula sa maka-kaliwang grupo dahil sa kumplikasyon sa prinsipyo ng mga ito sa pananaw ng advisers ng Presidente ay sina DAR Sec. Rafael Mariano, DOH Sec. Paulyn Ubial. Sayang!
Natengga pati programang makabuluhan
Malaki ang naging epekto ng pagpapalit-palit ng mga alter-ego ng Presidente sa dahilan na kailangang maisulong ang agarang programa sa tamang panahon, na sinagkaan ng pulitika at intriga.
Maluwag na sanang maipapatupad ang programang pabahay, ugnayang panglabas ng bansa at pang kabuhayan at kalikasan kung walang mga nang-urot kay Digong. Nakalulungkot talaga!
Fake news at bastusan sa social media
Namunini ang kabastusan ng ilan sa mga kabataan dahil sa impluwensiya ng organisadong propagandista na gumamit ng social media kahit exagerated naman ang mga akusasyong iniimbento lamang ng magkabilang panig. Ang pagsusumikap ng matitinong journalists na makapaghatid ng balitang pawang may kabuluhan ay unti-unti nang nilalamon ng barubal na mga propagandista sa social media.