MAHIGIT 100 mga pako at iba pang matatalas na mga bagay ang nakuha ng mga doctor sa Ethiopia mula sa tiyan ng isang lalaki na kanilang inoperahan sa Addis Ababa noong nakaraang linggo.
Ayon kay Dawit Teare, na isang surgeon sa St. Peter’s Specialised Hospital, ay may sakit sa pag-iisip ang 33-anyos na pasyente kaya nito kinain ang mga bagay na natagpuan sa kanyang tiyan, kabilang na ang 122 pako na may habang tig-aapat na pulgada, apat na pins, isang toothpick at ilang piraso ng bubog.
Sampung taon na raw ang kondisyon ng pasyente, na tumigil uminom ng gamot para sa kanyang sakit dalawang taon na ang nakararaan. Ito ang nakikitang rason ni Dawit kung bakit nagsimula ang pasyente sa paglulon ng mga bagay na hindi naman dapat kainin.
Masuwerte pa rin ang pasyente dahil hindi nasugatan ang kanyang tiyan ng mga matatalas na bagay na kanyang kinain. Kung nagkataon ay maari itong magdulot ng impeksyon at kamatayan, dagdag pa ni Dawit matapos niyang operahan ang lalaki na tumagal ng dalawa’t kalahating oras.
Ayon pa sa surgeon ay marami na raw siyang naging pasyente na kumakain din ng matatalas na bagay bunsod ng sakit nila sa pag-iisip, ngunit ngayon lang daw siya nakatagpo ng ganito kalalang kaso.
Mabuti na lamang at sa kabila ng lahat ng kanyang kinaing matutulis na bagay ay naging matagumpay ang operasyon at nagpapagaling na ngayon ang pasyente.