EDITORYAL - Turuan ng leksiyon ang ‘nuisance candidates’
TUWING mag-eeleksiyon, gumagana ang imahinasyon ng mga tinatawag na “panggulo”. May kung anong sumasanib sa kanila para mag-file ng kandidatura kahit wala namang kuwalipikasyon. Ginagawa nila iyon kahit na alam naman na hindi sila papayagang makatakbo. Ang praktis na ito ng mga “panggulo” o “nuisance candidates” ay dapat nang matuldukan. Hangga’t walang napaparusahan, hindi sila titigil sa pagpa-file ng kandidatura. Kailangang maturuan sila ng leksiyon para hindi na maging katawa-tawa ang pagpa-file ng certificate of candidacy (COC). Sa halip na mapadali ang pagtatrabaho ng mga taga-Comelec, naaantala dahil sa mga drama ng mga “panggulo”.
Sa unang araw ng pagpa-file ng COC noong Oktubre 11, ilang panggulo ang lumutang. Mas nauna pa silang dumating kaysa mga seryosong tatakbo. Sa Comelec main office sa Intramuros, lumutang ang isang lalaking nag-file ng COC at sinabing ex daw siya ni actress Kris Aquino. Isa pang lalaki ang nag-file at sinabing siya raw si Jesus Christ. Isang babae ang nag-file rin ng COC pero walang tigil sa pagmumura at kung anu-ano ang sinasabi. Mayroon pang isang lalaki na nag-file at sinabing matagal na raw siyang kumakandidatong senador pero lagi siyang nire-reject ng Comelec.
Ang ganitong senaryo na tila ba ginagawang katatawanan o kalokohan ang paghahain ng COC ay nakatawag ng pansin ni Sen. Sherwin Gatchalian at ipinapanukala niya ang isang batas na magpapataw ng parusa sa mga “nuisance candidate”. Ayon sa senador, pagmumultahin ng P50,000 ang mga mapapatunayang pinaglalaruan o pinagtitripan ang paghahain ng COC. Ayon pa kay Gatchalian, gusto niyang amyendahan ang Omnibus Election Code para magkaroon ng kapangyarihan ang Comelec sa pagpili ng mga maghahain ng COC.
Dapat isulong ang panukalang ito. Kapag walang batas na susundin ukol sa ginagawa ng mga panggulong kandidato, taun-taon ay laging may komedya sa Comelec. Hindi matatakot ang mga ito at lalo pang aagaw ng pansin. Kailangang maturuan sila ng leksiyon at maunawaan na ang pagpa-file ng COC ay hindi trip-trip lang.
- Latest