Dahil sa hilig sa ‘selfie,’ pink na damo winasak ng mga turistang chinese
DAHIL sa pagkahumaling sa pagse-“selfie” ay nawasak ng mga turista sa China ang isang buong damuhan na hitik sa isang pambihirang klase ng damo.
Namamasyal ang mga namerwisyong turista sa Binjiang riverside park sa Hangzhou City, kung saan matatagpuan sa isang bahagi nito ang mga kakaibang damo na pink ang kulay.
Hindi magkamayaw ang mga turista sa pagkuha ng kani-kanilang mga litrato kasama ang mga damo kaya kahit may inilagay nang lubid sa paligid ng mga ito ay hindi pa rin nagpapigil ang mga tao sa paglakdaw at pagse-“selfie” sa gitna mismo ng damuhan.
May isa pa ngang turista na dumating ng hatinggabi sa nasabing parke habang dala-dala ang sarili niyang spotlight para lamang makakuha ng selfie kasama ang mga pink na damo.
Ayon sa tagapag-alaga ng lugar na si Zhang tatlong taon daw niyang inalagaan ang mga pambihirang damo na inangkat pa mula Australia. Sa sobrang tigas raw ng ulo ng mga turista ay napaos na raw siya kasisigaw sa pagsaway sa mga ito.
Kumalat sa Internet ang balita ukol sa pagkawasak ng mga pink na damo kaya naman maraming netizens sa China ang nagpahayag ng pagkadismaya sa naging mapaminsalang asal ng mga kababayan nilang turista.
Matapos ang pangyayari ay wala na ngayong matatagpuang pink na damo sa Binjiang riverside park dahil pinagpuputol na ito ni Zhang upang maitago at gawing panananim para masiguradong mayroong matitira sa mga ito para sa susunod na taon.
- Latest