HALOS lahat ng mga pulis na nasa drug matrix na ipinalabas ni Pres. Digong ay may kaugnayan sa pagkahuli ni Marine Col. Ferdinand Marcelino at kasamang Intsik na si Yan Yi Shou sa isang apartment sa Sta. Cruz, Manila noong Enero 21, 2016. Kaya’t ang usap-usapan sa ngayon sa Camp Crame ay kung benggansa lang laban sa grupo ng nasibak na Col. Eduardo Acierto ang drug matrix ni Digong. Kung sabagay, wala pa naman talagang matibay na ebidensiya laban sa grupo ni Acierto dahil puro tsismis ang akusasyon at kasalukuyang bina-validate pa ito. Kaya lang dahil sa maagang pag-release ni Digong ng drug matrix, aba parang binuhusan ng mainit na tubig ang grupo ni Acierto, lalo na ang pamilya nila na nalagay sa balag ng alanganin at kahihiyan sa publiko. Makaaahon pa kaya ang grupo ni Acierto? Ano sa tingin n’yo mga kosa? Sa tingin naman ng mga kausap ko sa Camp Crame, mukhang may grupong gustong gumanti kina Acierto dahil sa pagkaaresto nila kay Marcelino at kasama nito. Araguuuyyyy! Hak hak hak! Kung sabagay, weder-weder lang talaga, di ba kosang Jonathan Mayuga Sir?
Ang hindi lang kasama sa pag-aresto kina Marcelino at Yan mga kosa ay si Sr. Supt. Leonardo Suan. Kaya nagtataka si Suan kung bakit napasama siya sa drug matrix ni Digong eh kung tutuusin siya ang may pinakamaraming huling drug lords at ang matindi pa nito ay na-convict sila hanggang sa Supreme Court. Siyempre, hindi lang si Suan ang apektado kundi maging ang kanyang pamilya na naniniwalang nagkamali lang si Digong sa paratang. Kaya handa si Suan na harapin ang lahat nang imbestigasyon na iutos ni Digong nang sa gayon ay mabigyan siya ng due process at malinis ang pangalan. Habang nasa drug matrix ang pangalan niya, si Suan naman ay patuloy na nagrereport sa PHAU sa Camp Crame para patunayan sa lahat na malinis ang konsensiya niya. Tumpak! Kaya lang nag-aalala si Suan sa kaligtasan niya at baka ma-debdol tulad ng ilang mayor. vice mayor at iba pang pulitiko na na-ambush sa iba’t ibang bahagi ng bansa matapos masangkot ang pangalan nila sa droga. Ano ba ‘yan?
Sa utos ni PNP chief Dir. Gen. Oscar Albayalde, hindi lang si Suan kundi maging sina Sr. Insp. Lito Pirote, Insp. Conrado Caragdag Jr., at SPO4 Alejandro Liwanag ay nare-assign sa PHAU sa Camp Crame. Halos lahat ng opisyal sa drug matrix ni Digong ay kilala ko dahil tambay po ako sa opisina nina Gen’s. Edgar Aglipay at Ricardo de Leon noong mga AIDSOTF chief pa sila. Kapag may accomplishment ang tropa ni Acierto at bataan na si Ismael Fajardo, aba matik na andun ang Supalpal mga kosa dahil nakadikit ako sa kanya. Si Fajardo mga kosa ang hepe ng Special Operations Unit 3 (SOU3) samantalang si Suan naman ang sa SOU 5 hanggang malipat sa SOU2. Maliban lang nang pumalit ang AIDG sa AIDSOTF at maging OIC nito si Acierto at napapalayo na ako at hindi na alam ang nangyayari sa tropa. Kaya nagulat ako nang ilabas ni Digong ang drug matrix at isinangkot ang tropa ni Acierto at hindi pa malinaw kung ano ang hawak na ebidensiya ng PNP at iba pang law-enforcement agencies laban sa kanila, maliban sa inaresto nila sina Marcelino at Yan. Hak hak hak! Abangan natin ang kalalabasan ng lifestyle check at iba pang imbestigasyon sa tropa ni Acierto. Get’s n’yo mga kosa?
Noong OIC si Acierto ng AIDG sa kasagsagan ng kasong pagpaslang ng Korean national, wala na si Suan sa Camp Crame at sa katunayan, na-promote siya bilang Deputy Regional Director for Operations (DRDO) ng PRO12. Hindi siya nagtagal dun dahil lumipat siya bilang DRDO din sa PRO8 kung saan ang hepe ay si Chief Supt. Gilbert Cruz. Biglang nasibak si Suan at nare-assign sa PHAU kaya pati ang Supalpal ay nagulat. Kapag tinatanong ko siya, hindi malaman ni Suan kung anong delubyo ang tumama sa kanya, hanggang ilabas nga ni Digong ang drug matrix niya. Ayon kay Suan, full support sila sa sa kampanya ni Digong sa droga at sa katunayan panay lecture niya sa barangay, maging sa mga eskuwelahan sa PRO 12 at PRO8 tungkol sa masamang dulot ng shabu at iba pang droga. Hindi naman galit si Suan kay Digong kaya lang ang panalangin niya, sana bigyan siya ng due process para malinis ang pangalan. Abangan!