EDITORYAL - Maraming naghihirap sa buhay
AYON sa survey ng Social Weather Stations (SWS) dumami ang nagsabing sila ay mahirap. Umabot sa 52 percent ang mga nagsabing sila ay naghihirap sa buhay. Binubuo ng 12.2 milyong pamilya ang nagsabing hirap na hirap na silang pagkasyahin ang kanilang kinikita dahil sa pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin gaya ng bigas at sardinas. Ang survey ay ginawa ng Social Weather Stations (SWS) noong Setyembre 15-23.
Kahit na hindi idaan sa surbey, makikita naman na marami talaga ang nahihirapan na pagkasyahin ang kinikita dahil sa mataas na bilihin. Dahil sa sunud-sunod na pagtaas ng gasolina at diesel, hinatak na ang presyo ng pangunahing bilihin. Hindi naman tumataas ang suweldo kaya ang nabibili ng pera ay kakarampot na. Kamakalawa, nagtaas na naman ng presyo ang petroleum products kaya nakaamba na naman ang pagtaas ng mga bilihin. Pati ang pagtaas ng pamasahe at singil sa kuryente ay nagbabadya na rin.
Ang pagsuspende sa excise tax sa produktong petrolyo ang tinitingnang solusyon sa pagbaba ng presyo ng mga bilihin. Maraming humihiling na suspendihin muna sapagkat nakasaad naman sa TRAIN law na kapag umabot sa $80 per barrel ng langis, puwedeng alisin ang tax. Nasa $83 na ang bawat bariles. Pinag-iisipan na umano ito ng Presidente.
Darami pa ang maghihikahos kapag hindi nagpasya ang pamahalaan kaugnay sa pagsuspende sa excise tax. Kahit pa sinabi ng Presidente na dadagsa ang bigas sa pamilihan dahil “free for all” na ang importation nito, mananatili pa ring mataas ang presyo nito dahil ang pagtransport ng mga bigas ay ginagamitan din ng gas o diesel. Bago makarating sa mga pamilihan ang bigas, kailangang gumamit ng fuel.
Itigil ang pagpapataw ng tax sa petroleum pro-ducts para bumaba ang presyo nito. Lahat ay bababa kapag inalis ang tax. Gawin sana ito para maibsan ang nararanasang paghihikahos.
- Latest