PINATUNAYAN na naman ng Japan na hindi sila magpapahuli sa kahit anumang larangan matapos silang gumawa ng isang dambuhalang replica ng painting na Mona Lisa mula sa 24,000 na piraso ng rice crackers o ampaw.
Ginawa ang world record attempt sa isang gymnasium, kung saan nasa 200 na mga taga-Soka sa Saitama Prefecture ang nagtulung-tulong para sa pagbuo ng higanteng imahen.
Kuhang-kuha ang Mona Lisa ng mga taga-Soka ang totoong painting ni Leonardo da Vinci na matatagpuan ngayon sa Louvre Museum sa Paris. Tagumpay rin ang mga taga-Soka dahil ang kanilang Mona Lisa ang sinasabing pinakamalaking mosaic na gawa sa rice crackers.
Upang makuha ang tamang kulay ay iba’t ibang flavor ng ampaw ang ginamit, katulad ng green tea at soy sauce.
Matapos mabuo ang imahen at makumpirmang nakapagtala na sila ng bagong world record ay pinaghati-hatian ng volunteers ang libu-libong rice crackers na bumubuo sa Mona Lisa.
Madalas na kinakaing pang-meryenda ang rice crackers sa Japan, kung saan madalas itong ipinapares sa tsaa.
Hindi na rin ito ang unang beses na ginamit sa Japan ang rice crackers para makapagtala ng bagong world record dahil noong 2011 ay ginawa ng 63-anyos na si Michihiro Yamaguchi ang sinasabing pinakamalaking ampaw sa buong mundo na nasa 163 sentimetro ang lapad.