ISANG bato na ginagamit na doorstop o pangharang sa pinto ng isang lalaki sa Michigan simula pa noong 1988 ang nadiskubreng isa palang piraso ng bulalakaw na may halagang $100,000 (katumbas ng P5.5 milyon).
Hindi na kinilala ang lalaki, na hiniling na huwag nang isapubliko ang kanyang pangalan. Ayon sa kanya ay alam na niyang galing sa kalawakan ang bato mula sa napagbilhan niya nito, na nagsabing nahulog daw sa bakuran niya ang bato noon pang mga 1930s.
Buong akala ng lalaki na walang halaga ang bato, hanggang sa mabalitaan niya kamakailan lang na marami pala ang bumibili sa mga piraso ng bulalakaw at pumapalo sa matataas na halaga ang presyo ng mga ito.
Naintriga ang lalaki kaya inalam niya kung ano ang halaga ng batong tatlong dekada na niyang ginagamit na pangharang upang hindi biglang sumara ang pinto sa kanyang tahanan.
Dinala niya sa Central Michigan University ang bato, na sinuri ni Mona Sirbescu na isang eksperto sa mga bulalakaw.
Ayon kay Sirbescu, unang tingin pa lang daw niya sa bato ay alam na niyang espesyal ito, lalo na’t pang-anim ang bato sa pinakamalaking piraso ng bulalakaw na matatagpuan sa Michigan.
Ang bato raw ang pinakamahalagang bagay na nahawakan niya sa buong buhay nya, dagdag pa ni Sirbescu.
Hindi pa nabibili mula sa lalaki ang piraso ng bulalakaw ngunit sinasabing nakatakda na itong bilhin ng Smithsonian Museum at ng isa pang kolektor.