KUNG utak dorobo ang pag-uusapan, ihahanay na ng BITAG-Kilos Pronto ang JAC Liner dahil sariling mga empleyado nila, inuutakan at nilalamangan.
Sa loob ng isang lingo, dalawang beses inireklamo ang malaking kompanya na ito ng bus sa aming tanggapan.
Nung una, dahil sa panggigipit at pag-ipit sa cash bond ng pobreng tsuper. Kuwento ng pobre, siya pa raw ang sinisingil ng Jac Liner dahil nasira raw nito ang clutch ng isang bus.
Ang siste, limang buwan matapos niyang mapapirmahan ang exit clearance ay saka lang sinabi ng kompanya ng bus na siya ay may nasirang clutch. Kaya ang inaantay niyang cash bond, hindi na raw ibibigay.
Hindi na namin nagawang kunin ang panig ng kumag na Jac Liner dahil binabaan nila kami ng telepono. Naipot yata sa karsunsilyo nung marinig ang boses ko.
Akala ko magtitino na, mas kakapal pa pala ang mukha. Ilang araw lang lumipas, isang tsuper na naman ang nagreklamo. Mantakin n’yo, pati krudo kinakaltas sa suweldo?!
Sa loob daw ng siyam na buwan niyang pagtatrabaho, ganon ang siste at kalakaran sa loob ng kompanya. Kung susumahin aabot na raw sa P19,000 ang perang nakubra sa kanya.
Over consumption ba kamo? Paano na lamang kung trapik, kasalanan pa ba ‘yun ng tsuper? Malinaw na ang kasalanan ni Pedro ay ‘di pwedeng maging kasalanan ni Juan.
Naireport na rin pala ng nagrereklamong tsuper na may sira ang bus n’yo na nagiging dahilan ng paglakas ng gamit ng krudo. Ang ginawa ni Jac Liner? Dedma.
Sinubukan naming kuhanin ang kanilang panig pero hindi na sumagot ang mga putok sa buho. Iwas pusoy kaya masyadong napaghahalataan. Kausapin na lang daw namin ang legal nila.
Tama na ang puro satsat! Anong pumunta kami sa legal office n’yo? Kami pa talaga ang mag-aadjust?! Kung wala talaga kayong kasalanan, harapin n’yo ang mga reklamo! Aanhin ‘yang mga naglalakihan n’yong bombolyas kung nagkakalansingan lang at ayaw ilabas.
Tandaan n’yo nakalista na kayo sa hanay ng horror company! Yari kayo sa amin ngayon, makakatakbo kayo pero di kayo makakawala kay BITAG.
Akala n’yo siguro makakalusot kayo? Puwes nagkakamali kayo! Doon tayo magkita-kita at mag-ayos sa Single-Entry Approach Unit ng National Labor Relations Commission. Sigurado nakapamagitan ang ahensiya ng gobyerno at idodokumentaryo namin ang bawat anggulo.
One is enough, two is too much. Siguro naman di na kayo papangatlo, dahil kung magkataon si BITAG na mismo ang kakatok sa mga pintuan n’yo. Tingnan natin kung di kayo maihi sa inyong mga lawlaw na karsunsilyo.