ISANG walong taong gulang na babae sa Sweden ang nakapulot ng isang sinaunang espada na sinasabing mas matanda pa sa mga Vikings.
Napulot ni Saga Vanecek ang antigong espada sa isang lawa habang siya ay nagbabakasyon kasama ang kanyang pamilya sa kanilang summer house sa Jonkoping County.
Noong una ay tinatayang nasa 1,000 taon na raw ang espada ngunit matapos itong suriin ng mga eksperto mula sa lokal na museo, napag-alamang nasa 1,500 taon na ang tanda nito.
Kaya naman manghang-mangha ang mga eksperto dahil hindi raw basta-basta ang natagpuan ng bata.
Ayon kay Saga, nadiskubre niya ang espada nang matapakan niya ito habang siya ay naliligo sa lawa. Dinala niya raw ito sa kanyang ama na noong una ay nag-akalang isa lamang itong tangkay ng puno.
Nalaman na lang nilang isa pala itong sinaunang espada na mas matanda pa kaysa sa mga bantog na Vikings nang ipasuri nila ito sa isang kaibigan nilang eksperto sa mga sinaunang sandata.
Dahil sa pagkakadiskubre ni Saga sa espada, nagsasagawa na nang malawakang paghuhukay sa lawa sa pangunguna ng lokal na museo at konseho. At kamakailan din lang, nakadiskubre pa ng sinaunang brilyante habang ginagalugad ang lawa.
Umaasa ang museo na mas marami pa silang madidiskubreng mga sinaunang kagamitan mula sa kanilang ginagawang paghuhukay sa lawa.