Babae sa China, gumawa ng wedding dress mula sa 40 supot ng semento
KUNG ang karaniwang wedding dress ay tinahi mula sa silk, satin, lace at iba pang mamahaling tela, isang wedding dress naman sa China ang nakaagaw ng pansin sa milyung-milyong netizens doon dahil sa kakaibang materyales na ginamit sa kanyang paggawa.
Isang babae kasi sa China ang nag-viral sa social media doon matapos kumalat ang video kung saan makikitang suot niya ang isang wedding dress na ginawa mula sa 40 supot ng semento.
Ang mismong may suot ng wedding dress sa video na si Tan Lili ang nagdisenyo at gumawa ng damit mula sa mga supot ng semento na ginamit sa pagpapatayo ng kanyang bahay sa Longnan City.
Pagsasaka ang ikinabubuhay ni Lili at kahit kailan ay hindi siya nagkaroon ng pormal na pagsasanay sa pagdisenyo ng damit. Naisipan lang niyang gawin ang wedding dress mula sa mga supot nang minsang maulan at wala siyang magawa sa bahay.
In-upload niya ang video kung saan makikitang naglalakad siya habang suot ang likha niyang damit. Sa kasalukuyan ay tinatayang nasa higit apat na milyong views na ang video. Ipinagmalaki pa ni Lili na maaring mas marami pa ito kung nagkataong mas maganda pa siya.
Ipinagmamalaki naman ni Lili na hindi lang daw supot ang kaya niyang gawing damit dahil kaya rin daw niyang gamiting materyales sa paglikha ng kasuotan ang mga damo, bulaklak, at mga lumang diyaryo.
- Latest