ANG buwis sa sigarilyo ang dapat itaas para mabawasan na ang mga naninigarilyo na nagdudulot ng kanser sa baga. Kaysa itaas ang buwis sa petroleum products, mas maganda ay tax muna sa sigarilyo.
Kahit marami nang namatay sa lung cancer dahil sa paninigarilyo, marami pa rin ang ayaw huminto sa bisyong ito. Ang nakaaalarma, maraming menor-de-edad ang nalululong na sa bisyong ito. Pabata nang pabata ang mga naninigarilyo.
Ayon sa World Health Organization (WHO), limang milyong tao ang namamatay taun-taon sa buong mundo dahil sa paninigarilyo at maaari umano itong umabot sa walong milyon sa 2030 kung hindi magkakaroon nang matibay na kampanya laban sa paggamit ng tabako o paninigarilyo. Dito sa Pilipinas, 8,518 katao na ang namatay sa lung cancer ngayong 2018 dahil sa paninigarilyo.
Ayon sa Department of Health (DOH), bukod sa lung cancer, marami pang sakit ang nakukuha sa paninigarilyo: heart disease, stroke at chronic obstruction pulmonary disease (COPD).
Nararapat paigtingin ng DOH ang kampanya laban sa paninigarilyo lalo sa mga kabataan. Kahit saan ay nakakabili sila ng sigarilyo. Mara-ming cigarette vendor sa kalsada. Maski sa mga gate ng school, may nagtitinda ng yosi at hindi na pinapansin ng mga awtoridad. Balewala ang batas ukol sa paninigarilyo. Maraming naninigarilyo sa mga publikong lugar.
Isa sa mga magandang gawin ng pamahalaan ay itaas pa ang tax ng sigarilyo. Isagad to the max ang tax para wala nang makabili ng yosi. Kapag nagsobrang mahal ang bawat stick ng yosi, tiyak marami na ang titigil sa bisyong ito.
Ngayong nagtaasan na lahat ang presyo ng bilihin, magandang pagkakataon para itaas pa nang sagad ang tax sa sigarilyo. Ito ang magandang paraan para ma-discourage ang kabataan na manigarilyo.