UMABOT na sa 56 ang narerekober na bangkay sa Naga City, Cebu makaraang gumuho ang lupa sa bundok at tinabunan ang may 30 bahay sa paanan nito noong Setyembre 20. Sinisisi ang quarrying operations ng kompanyang Apo Land sa lugar. Pero sabi ng kompanya, hindi raw sila nagku-quarry. Sabi naman ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) may crack na dati sa bundok at inabisuhan na nila ang local government officials sa lugar pero hindi umano gumagawa ng aksiyon. Ipinatigil na ng DENR ang lahat nang quarrying operations sa lugar.
Nagkaroon din nang pagguho sa Itogon, Benguet noong Setyembre 15 na ikinamatay ng 59 katao. Naguho ang lupa sa gilid ng bundok na minimina at tinabunan ang mga bahay ng minero habang nananalasa ang Bagyong Ompong. Ang malakas na ulan ang dahilan nang pagguho at siyempre pa ang pagmimina. Sinisisi ang local government unit (LGU) sapagkat hindi nagpatupad ng puwersahang paglikas.
Marami nang nangyaring pagguho ng lupa sa Pilipinas na ikinamatay nang maraming tao. Ilan dito ay ang pagguho ng lupa sa Cherry Hills Subdivision sa Antipolo City noong Agosto 3, 1999 na ikinamatay ng 60 tao. Tinatayang 378 na bahay ang natabunan ng lupa. Nangyari ang pagguho pagkaraan ang ma-lakas na pag-ulan. Sinisisi ang quarrying operations sa kalapit na lugar.
Naguho rin ang isang bundok sa Bgy. Guinsaugon, St. Bernard, Southen Leyte noong umaga ng Peb. 17, 2006 na ikinamatay ng 1,100 tao. Buong barangay ang natabunan ng putik at mga bato. Isang elementary school na kasalukuyang nagkaklase ang natabunan at nalibing nang buhay ang mga bata at guro. Nangyari ang trahedya makaraan ang malakas na pag-ulan at lindol. Isinisisi sa illegal logging at pagmimina ang pagguho ng bundok.
Kapag nangyari na ang malagim na trahedya, lahat ay nagtuturuan kung sino ang may sala. Walang umaamin. Sa nangyaring pagguho sa Naga City, dapat ang local official o mayor ang panagutin sapagkat may abiso na ang Mines and Geosciences Bureau (MGB) na may crack na ang bundok at posibleng magka-landslide. Dapat gumawa ng aksiyon ang local official. Dapat siya ang manguna sa pagpapaalis sa mga taong nasa mapanganib na lugar. Dapat na talagang ipagbawal ang pagtira sa paanan ng bundok.