TILA isang 42-anyos na bilyunaryong Hapones na si Yusaku Maezawa ang maituturing na magiging unang turista sa Buwan kung sakali ngang matuloy ang biyahe niya roon lulan ng Big Falcon Rocket (BFR) ng SpaceX o Space Exploration Technologies Corp., isang pribadong American aerospace manufacturer at space transportation services company na nakabase sa Hawthorne, California sa United States.
Pero, hindi tulad ng ibang mga turista sa kalawakan na mag-isa lang ‘nagbakasyon’ sa kalawakan, nais ni Maezawa na mag-imbita ng anim hanggang walong artist, architect, designer at iba pang creative people para samahan siya sa isang linggong paglalakbay patungo sa buwan. Ayaw niyang solohin ang nakakamanghang karanasan sa labas ng daigdig.
Ayon sa ulat, si Maezawa ang tagapagtatag ng pinakamalaking retail website sa Japan at isa sa mga pinakamayamang tao sa naturang bansa.
Sinabi ng founder ng SpaceX na si Elon Musk sa mga ulat na takdang lumipad ang Big Falcon Rocket sa taong 2023. Malaking halaga aniya ang binayaran ni Maezawa para sa naturang biyahe pero hindi niya dinetalye kung magkano.
Nabatid na hanggang sa orbit lang ng buwan mananatili ang grupo ni Maezawa at walang planong lumapag sa kalupaan nito. Gusto lang ni Maezawa na makita ng kanyang mga bisita nang malapitan ang buwan at ang buong tanawin sa daigdig.
Ayon kay Musk, nasa development pa lang ang BFR at gagawa ito ng ilang unmanned test launches bago magsakay ng pasahero. Ang reusable na 118 meter (387 foot) na rocket ay magkakaroon din ng sarili nitong dedicated passenger ship.
• • • • • •
(Anumang reaksiyon sa kolum na ito ay i-email sa rbernardo2001@hotmail.com)