^

Punto Mo

Preparado ba tayo sa pinakahuling kalamidad?

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

KABILANG ang Pilipinas sa mga bansang matinding pinipinsala ng mapangwasak na kalamidad na tulad ng bagyo, baha, lindol, at pagsabog ng bulkan.  Ang Pilipinas din ang isa sa mga bansang malubhang apektado ng climate change.  Ang tanong, preparado ba tayong harapin ang mas malalalang kalamidad tulad ng isang “super typhoon” at ang kinatatakutang lindol na kung tawagin ay “The Big One”?

Kung ang pagbabasehan ay ang nakaraang Bagyong Ompong, ang sagot ay “hindi.”  May target na “zero casualty” ang gobyerno, ngunit higit sa 70 ang namatay at higit sa 50 iba pa ang nawawala sa kabila ng maagang babala ng PAGASA sa pagdating ng napakalakas na bagyo. Mismong si Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) Director Renato Solidum, Jr. ang umamin na hindi tayo handa sa pagharap sa malalaking kalamidad.  Ayon kay Solidum, sa ngayon, ang handa lamang nating harapin ay maliliit na kalamidad.

Nasa kanino ba ang malaking pagkukulang, sa mga local government units ba o sa makukulit na mamamayang ayaw lisanin ang kanilang tahanan sa kabila ng paulit-ulit na babala? Nitong nakaraang Bagyong Ompong, marami sa namatay, lalo na sa Itogon, Benguet, ang sa halip na lumikas sa mas ligtas na lugar ay nagpasyang sumilong sa isang bankhouse malapit sa isang abandonadong minahan. Nagkulang ba ang mayor ng bayang ito dahil hindi niya napilit ang mga tao na lumikas sa isang ligtas na lugar?

Marami namang lugar na tinamaan ni Ompong ang naligtas sa malaking trahedya dahil sa maagap na pagkilos ng mga mayor na tagapangulo ng kanilang Disaster Risk Reduction and Management Council. Dahil sa maagap na pagkilos ng mga ito, halos 600,000 tao ang nailigtas sa panganib. Pero ang malungkot, 10 mayor sa Cagayan Valley at Cordillera Administrative Region ang pinaiimbestigahan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) dahil sila’y wala sa kasagsagan ng pananalanta ni Ompong.  Sa panahon ng kampanya, ang mga Mayor na ito’y naaabot maging ang pinakaliblib mang lugar. Mga “lingkod-bayan” sa panahon ng kampanya, pero nagiging mga “amo ng bayan” kapag nangaupo na.

Kung hindi tayo preparado sa malalaking kalamidad, preparado ba tayo sa pinakahuling kalamidad na mararanasan ng daigdig? Ito’y ang wakas ng mundo na magaganap sa muling pagbabalik ni Hesus upang hukuman ang sangkatauhan. Tanging ang pananampalataya sa Kanya ang makapagliligtas sa atin sa paghuhukom.

Ngunit alam n’yo ba na ang tamang paghahanda sa paghuhukom ay ang pagtulong sa mga nangangailangan? Sa mahabang sermon ni Hesus tungkol sa paghuhukom ay ganito ang sinabi Niya sa Mateo 25:41-46, “Sasabihin naman niya sa mga nasa kaliwa, ‘Lumayo kayo sa harapan ko, kayong mga isinumpa! Doon kayo sa apoy na di namamatay na inihanda para sa diyablo at sa kanyang mga kampon.  Sapagkat hindi ninyo ako pinakain noong ako’y nagugutom; hindi ninyo ako pinainom noong ako’y nauuhaw.  Hindi ninyo ako pinatuloy noong ako’y isang dayuhan. Hindi ninyo ako dinamtan noong ako’y hubad. Hindi ninyo ako dinalaw noong ako’y may sakit at noong ako’y nasa bilangguan.  At sasagot din sila, ‘Panginoon, kailan po namin kayo nakitang nagutom, nauhaw, walang matuluyan, hubad, may sakit, o nasa bilangguan, na hindi namin kayo tinulungan?  At sasabihin sa kanila ng Hari, “Tandaan ninyo, nang pagkaitan ninyo ng tulong ang isa sa pinakahamak sa mga ito, ako ang inyong pinagkaitan! Itaboy ang mga ito sa kaparusahang walang hanggan, ngunit ang mga matuwid ay pupunta sa buhay na walang hanggan.’”

 

KALAMIDAD

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with