PATULOY pa ang paghukay sa mga natabunan ng lupa sa Itogon, Benguet. Mahigit 60 na ang narerekober na bangkay at 40 pa ang nawawala. Ang mga biktima ay mga minero at kanilang pamilya na nakatira sa mga bahay na nasa ibaba ng bundok na kanilang pinagmiminahan. Illegal umano ang mga minahan. Dahil sa walang tigil na pag-ulan, lumambot ang bundok kaya naguho.
Marami pa umanong small-scale mining sa Itogon at ipinatitigil na noon pa dahil sa pangambang gumuho. Hindi lamang umano sa Itogon maraming illegal na minahan kundi maging sa iba pang lugar sa Cordillera. Dahil sa trahedya, sinuspende ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang lahat nang small-scale mining operations sa Cordillera.
Dapat noon pa ipinagbawal ang open-pit mining sapagkat sinisira nito ang kabundukan. Walang tigil sa pagbutas ang mga minero para makakuha ng ginto. Ang kanilang binutas ay iiwanang nakatiwangwang at dito papasok ang tubig. Kapag napuno ng tubig, bibigay na ang lupa at saka guguho.
Noong si dating Environment Sec. Gina Lopez pa ang nasa puwesto, 23 minahan ang ipinasara niya. Sinisira ng mga ito ang mga kabundukan at watershed areas. Sinuportahan ni President Duterte ang ginawa ni Lopez. Sabi ni Lopez nang italaga ni Duterte noong Hulyo 2016, “I don’t like mining, the foreigners and the rich are the only ones benefitting from it but the farmers and the fishermen suffer.”
Hindi na naipagpatuloy ni Lopez ang paglaban sa mga iresponsableng mining companiers sapagkat ni-reject siya ng mga miyembro ng Commission on Appointment (CA). Labing-anim na senador ang bumoto para siya mapatalsik. Wala nang nagpatuloy ng kanyang sinimulan.
Ngayong nangyari na ang pagguho ng lupa na ang sinisisi ay ang mga illegal na minahan, ano kaya ang masasabi ng mga senador na nagpatalsik kay Lopez. Nakonsensiya kaya sila?
Dapat lamang na ipatigil na ang mga small-scale mining sapagkat ang mga ito ang sumisira sa kapaligiran at naglalagay sa panganib ng mga residente. Wala namang pakinabang ang pamahalaan sa pagmimina.