EDITORYAL - Agarang tulong sa mga biktima ni Ompong
ANG Cagayan, Isabela at Ilocos Norte ang mga probinsiyang grabeng nasalanta ng bagyong Ompong noong Sabado ng madaling araw. Unang tinamaan ang Cagayan nang mag-landfall ang bagyo sa Baggao, Cagayan. Tinumbok ito ng hangin na may lakas na 205 kph. Sunod ang mga bayan ng Alcala, Lal-lo, Gattaran at Lasam. Maraming bahay ang nawasak at halos lahat nang pananim ay nasira sa mga nabanggit na bayan. Walang mapapakinabangan sa mga tanim na palay at mais. Maraming puno ang tumumba sa mga kalsada kaya walang madaanan ang mga sasakyan. Walang kuryente at komunikasyon sapagkat tumumba ang mga poste. Nakapanlulumo ang tanawin sapagkat ang mga palay na nakatakda na sanang anihin ay hindi na pakikinabangan. Inilagay sa state of calamity ang Cagayan dahil sa grabeng pinsala.
Ang Ilocos Norte at Isabela ay marami ring napinsala. Maraming bahay sa dalawang probinsiya ang nawasak. Maraming taniman ng mais at palay sa Isabela ang napinsala. Ayon sa mga magsasaka sa Isabela, hindi pa sila nakakabangon sa epekto ng Bagyong Lawin noong 2016 ay binayo na naman sila.
Sa kalagayang ito, nararapat ang pagtulong sa mga biktima. Kailangan ang mabilisang aksiyon sa pag-rehabilitate sa mga lugar na grabeng napinsala. Lubhang kaawa-awa ang mga residente na sa isang iglap ay nawalan ng tirahan at sa mga evacuation center na namamalagi. Hindi nila alam kung hanggang kailan sila mananatili sa evacuation centers. Aabutin pa umano ng ilang linggo bago tuluyang maibalik ang kuryente sa mga nasalantang lugar.
May mga dumadaing na hindi agad sila natulungan. Kung kailan daw nila kailangan ang tulong ay saka walang dumarating mula sa local na pamahalaan. Mabagal umano ang pagresponde sa mga biktima ng bagyo. Sinabi ni President Duterte sa publiko noong Linggo na handa ang gobyerno sa pagtulong sa mga naapektuhan ng bagyo. Nagtungo ang Presidente sa Tuguegarao City noong Linggo para alamin ang naging pinsala ng bagyo. Pagkaraang bisitahin ang Cagayan, ang Ilocos Norte naman ang binisita niya.
Agarang tulong ang dapat sa mga biktima ng bagyo. Bantayan din ang mga presyo ng bilihin sa mga lugar na napinsala at baka pagsamantalahan sila ng mga ganid na negosyante. Huwag pabayaan ang mga biktima ni Ompong.
- Latest