EDITORYAL - Walang tigil sa pagtaas ang gasolina
LINGGU-LINGGO na ang pagtataas ng gasolina, diesel at kerosene. Kahapon, nagtaas na naman. Nagtaas ng 50 sentimos sa gasolina; 15 sentimos sa diesel at 20 sentimos sa kerosene. Ito ang pang-anim na sunud-sunod na pagtataas mula noong Agosto.
Ang paggalaw ng presyo sa world market umano ang dahilan kaya nagtaas ang presyo. Umaabot na umano sa $79 per barrel ng crude oil. Mahina rin umano ang peso laban sa dollar na naglalaro na ngayon sa P54.00 bawat $1.
Ang panibagong pagtataas ng petroleum products ay maaaring magdulot ng pagtaas din sa iba pang pangunahing pangangailangan ng mamamayan. Dahil ang presyo ng gasolina at diesel ang batayan, maaaring mahila pataas ang presyo ng bigas, sardinas, mantika, kape, gatas, asukal, isda, gulay at iba pang pangunahing pangangailangan. Gumagamit ng gasolina sa pagdeliber kaya ipapasa ang gastos sa mga produkto.
Pinangangambahang humingi muli ng dagdag na pasahe ang transport group dahil sa sunud-sunod na pagtaas ng gasoline at diesel. Posibleng gawing P10 ang minimum na pasahe. Sa kasalukuyan, P9 ang pamasahe sa dyipni.
Nagkakaroon ng chain reaction kapag tumaas ang presyo ng petroleum products. At walang ibang kawawa kundi ang mamamayan. Wala nang mabili ang kanilang karampot na suweldo dahil sa taas ng bilihin. Noong Agosto, tumaas ng 6.4 percent ang inflation rate. Saan hahantong ang ganitong nararanasan ng mamamayan? Wala na bang iniisip ang pamahalaan para mapigilan ang sunud-sunod na pagtaas ng gasolina? Maawa naman sa mamamayan lalo na sa mga isang kahig, isang tuka. Pagaanin naman ang pasanin.
Isang magandang magagawa ng pamahalaan ay ang pagpapatigil sa ipinapataw na tax sa petroleum products. Sobrang taas ng tax kaya nagmamahal ang bawat litro ng gas. Kung sususpindihin ang excise tax, tiyak bababa ang presyo. Sana ito ang gawin ng gobyerno para naman mabawasan ang bigat ng pasanin sa mahal na bilihin.
- Latest