Kustodiya sa mga bata, itinama!

ANAK ang pinaka-unang naaapektuhan sa paghihiwalay ng kanyang mga magulang. Bukod sa trauma at sakit na dulot ng pagkasira ng sariling pamilya, kadalasang nagiging problema ay kung kaninong kustodiya nararapat na mapunta ang mga bata.

Tulad na lamang ng problemang idinulog ni Rosalina sa Bitag-Kilos Pronto. Hiling niya, mabawi ang kanyang mga anak mula sa dating kinakasama.

Kwento ni Rosalina, maayos naman daw noon ang kanilang pagsasama. Pero tulad ng isang normal na mag-asawa, nagkakaroon rin sila ng mga pagtatalo at di pagkakasunduan. Hanggang sa ang kanilang masayang pamumuhay, nauwi sa hiwalayan.

Matapos maghiwalay, nag-usap silang dalawa sa harap ng barangay tungkol sa kustodiya ng kanilang dalawang anak. Problema, hindi tinupad ni Mister ang napagkasunduan at itinago kay Misis ang mga bata na edad 6 at 3 taon.

Dahil dito, nagpasya nang humingi ng tulong si Rosalina sa aming tanggapan at agad naman namin siyang tinulungan.

Ayon sa ating batas na nakasaad sa Article 213 ng Family Code of the Philippines, ang batang nasa edad pito pababa ay hindi maaaring mahiwalay sa kanyang Ina.

Mawawalan lamang ng karapatan ang Ina ng bata sakaling mapatunayan sa korte na may pagkukulang o walang kapasidad ang Ina ng bata na pangalagaan ang kanyang mga anak.

Kinabukasan agad ikinasa ng BITAG-Kilos Pronto ang rescue operation sa mga anak ni Rosalina kasama ang City Social Welfare and Development (CSWD) at Women and Children Protection Desk ng Taguig- Philippine National Police (PNP).

Pagdating sa lugar, wala nang nagawa ang Lola ng mga bata matapos ipamukha ng aming staff sa kanya ang nakasaad sa batas. Kaya naman mabilis na nabawi ni Rosalina ang kanyang mga anak.

Para naman hindi ma-trauma ang mga bata, napagdesisyunan niya ring iuwi na lang ang mga ito sa probinsiya at doon muling magsimula.

Wala na nga sigurong mas sasarap pa sa isang buo at kumpletong pamilya. Pero sadyang hindi lahat nabibiyayaan ng perpekto at masayang pamilya. Kaya sa mga magulang, bago kayo magdesisyon sa isang bagay isipin n’yo muna ang mararamdaman ng inyong mga anak.

Show comments