EDITORYAL - Huwag nang ipasada mga ‘kabaong’ na dyipni
NASAAN na ang kampanya ng pamahalaan na aalisin na sa kalsada ang mga bulok na dyipni? Anyare? Bakit nasa kalsada pa rin ang mga dyipni na dispalinghado ang preno? Mismong si President Duterte pa ang nagsabi noon na wawalisin na sa kalsada ang mga dyipni na mahigit 20 taon na. Kapag hindi raw inalis ang mga kakarag-karag ay ipahihila niya ang mga ito. Nasaan na ang pangakong ito?
Ang Land Transportation Office (LTO) naman ay inutil sapagkat patuloy pang inirerehistro ang mga bulok na sasakyan sa kabila na may kampanya ang pamahalaan na ipi-phaseout na ang mga ito. Kaya hindi maubos ang mga lumang dyipni ay dahil sa maling sistema sa LTO. Kahit na makikita sa itsura ng dyipni na hindi na papasa sa emission test, nakapagtataka na nairehistro pa. Kaya patuloy sa pagpasada ang mga bulok na dyipni na karamihan ay nagdudulot ng malagim na trahedya. Dahil sira na ang preno ng mga bulok na dyipni, walang ibang kinahahantungan kundi ang kamatayan ng mga kawawang pasahero. Mayroong nahuhulog sa bangin, bumabangga sa poste o pader at may nahuhulog sa tulay.
Isang halimbawa ay ang nangyaring aksidente sa Kalinga noong Lunes kung saan nahulog sa bangin ang isang pampasaherong dyipni na ikinamatay ng 14 na pasaherong senior citizens. Nasugatan naman ang may 30 pasahero dahil sa pagbulusok sa bangin. Nangyari ang trahedya sa Bgy. Dao-angan, Balbalan, Kalinga.
Ayon sa report, nagtungo sa munisipyo ang mga senior citizens at kinuha ang kanilang pension. Habang palusong umano ang dyipni, nawalan ito ng preno at nagtuluy-tuloy sa may 80 metrong lalim ng bangin. Namatay sa pinangyarihan ng aksidente ang mga senior citizens. Marami ang nasugatan sapagkat overloaded umano ang dyipni na kahit sa bubong ay mayroong mga pasahero.
Ang pangyayaring ito ay isa na namang panggising sa LTO para ipatupad ang kampanya na huwag nang hayaan pang bumiyahe sa kalsada ang mga bulok na sasakyan particular ang dyipni. Ilang buhay pa ba ang dapat masayang bago magkaroon ng paghihigpit na ibawal ang pagbiyahe ng mga “kabaong” na dyipni. Walisin na ang mga bulok na dyipni na inihuhulog sa hukay ang mga kawawang pasahero. Huwag nang irehistro ang mga kakarag-karag na dyipni!
- Latest