EDITORYAL - Maghanda sa superbagyo
NGAYON papasok sa Philippine Area of Responsibility ang Bagyong Mangkhut at tatawaging Bagyong Ompong. Ayon sa PAGASA, ang bagyo ay may lakas na 150 kilometers per hour (Kph) at pagbugso na 185 kph. Nasa ca-tegory 4 ito kaya superbagyo. Tinatahak nito ang Hilagang Luzon at sa lawak ng dadaanan, maaaring maapektuhan ang mga probinsiya ng Batanes, Cagayan, Mountain Province at mararamdaman din sa Metro Manila at mga karatig lalawigan.
Hindi katulad ng lindol na hindi alam kung kailan tatama, ang bagyo ay nakikita ng radar kaya maaaring paghandaan ang pananalasa. Malayo pa, nasasabi na ng PAGASA kung aling lugar ang tutumbukin. Dahil pinangangambahan na lalakas pa ang bagyo habang papalapit nag-aabiso na ang mga awtoridad na maghanda ang mga residente sa lugar na dadaanan ng bagyo. Hindi dapat ipagwalambahala ang bagyong ito sapagkat sinasabing kasinglakas din nang tumama sa Japan noong nakaraang linggo na marami ang namatay. Isa sa pinakamalakas na bagyo umano na tumama sa Japan, makalipas ang maraming taon. Marami na ang nakapaghanda sa Japan bago ang pagtama pero marami pa rin ang namatay.
Marami nang nanalasang bagyo sa bansa kung Setyembre at pawang malalakas. Ang Bagyong Ondoy ay nanalasa noong Setyembre 2009 na marami ang namatay dahil sa idinulot na baha. Marami ang hindi nakapaghanda kaya marami ang nanatili sa bubong ng kanilang bahay.
Ang Bagyong Milenyo ay nanalasa noong Setyembre 2006 na nag-iwan din ng pinsala. Hindi rin nakapaghanda ang marami.
Taun-taon, tinatayang 20 bagyo o mahigit pa ang tumatama sa bansa. Pero sa kabila nito, marami pa rin ang hindi preparado. Marami pa ring matitigas ang ulo na kahit pinalilikas na ay ayaw pang iwan ang bahay at ari-arian. Dapat matuto na sa mga nakaraang bagyo.
- Latest