Lalaking hindi makapaghintay sa pagtawid, winasak ang traffic light sa China
ANO ang gagawin mo kung naiinip ka na sa paghihintay para lang makatawid dahil ubod ng bagal magpalit ng ilaw ang traffic light?
Para sa isang 36-anyos na lalaki sa Hunan, China malinaw ang solusyon: wasakin ang traffic light.
Ang lalaki, na kinilala lamang sa kanyang apelyidong Xin, ay hinuli ng mga pulis at nakulong ng limang araw simula noong Setyembre 5, ayon sa pahayagang South China Morning Post.
Makikita sa kuha ng surveillance camera ang paghihintay ni Xin ng dalawang minuto para mag-kulay berde ang ilaw sa traffic light.
Dahil sa pagkainip ay nilapitan na ng lalaki ang traffic light at nilundag ito na parang si Tarzan. Wasak ang traffic light matapos hampasin ng kanyang kanang braso.
Pagkatapos nito ay makikita sa video ang paglalakad palayo ni Xin na parang walang nangyari.
Kumalat ang video sa social media, kung saan marami ang nagkomento sa ikli ng pasensiya ni Xin. Mayroon namang mga nagsabi na sadyang matagal na mag-berde ang traffic light sa China at si Xin lamang ang nag-iisang naglakas ng loob upang solusyonan ito.
Noon pang Agosto 21 nangyari ang ginawang pagwasak niya sa traffic light kaya ilang linggo rin ang itinagal ng pagtugis sa kanya ng mga pulis.
Nang mahuli ay umamin naman si Xin sa kanyang nagawa at ipinaliwanag na mainit lang daw ang ulo niya noong mga panahong iyon kaya niya nagawa ang pagsira sa traffic light.
Bukod sa pagkakulong ay pinagmulta rin si Xin para sa pinsalang kanyang idinulot.
- Latest