EDITORYAL - Imbestigahan ang pagsadsad
SUMASADSAD ang ekonomiya ng bansa at nakisama pa ang barko ng Philippine Navy nang sumadsad din sa Hasa-Hasa Shoal noong nakaraang linggo. Ang Hasa-Hasa Shoal ay nasa West Philippine Sea. Dahil sa pagsadsad ng BRP Gregorio del Pilar, nagkaroon ng mga maliliit na butas at pinapasukan ng tubig. Ang Gregorio del Pilar ay binili sa United States Coast Guard noong 2011 sa panahon ni President Noynoy Aquino.
Nahango na sa pagsadsad ang Gregorio del Pilar at gumastos ang Philippine Navy ng P30 milyon para rito. Dalawang tugboat na pag-aari ng pribadong kompanya na Salvage and Towing Company ang humila sa Gregorio del Pilar. Ida-drydock ang barko sa Subic. Dahil sa pangyayari, matatagalan pa umano bago magamit ang Gregorio del Pilar. Kaya, isang barko na lang ang magagamit sa pagpapatrulya sa WPS.
Hanggang sa kasalukuyan, marami pa ring katanungan kung bakit sumadsad sa mababaw na bahagi ng shoal ang Gregorio del Pilar. Maraming nagtatanong kung may kasanayan ba ang kapitan sa pagpapatakbo ng barkong ginagamit sa pagpapatrulya sa WPS. Sa nangyaring pagsadsad, tila hindi kabisado ng kapitan ang tinatahak na lugar.
Ayon sa Philippine Navy, magkakaroon ng imbestigasyon sa pangyayari. Nararapat lamang ang imbestigasyon. Isipin na lamang na wala yatang kakayahan ang kapitan sa pagpapatakbo nang nasabing barkong panggiyera. Kung sa bahura pa lamang ng Hasa-Hasa ay sadsad na, paano pa kung makikipaghabulan na sa mga barko ng kalaban. Baka magkawasak-wasak agad dahil sa kawalan ng kakayahan. Dapat malaman ang katotohanan sa pagsadsad ng Gregorio del Pilar.
Malaking halaga ang nagastos sa paghila pa lamang ng barko at tiyak malaki rin ang magagastos sa repair. Sa halip na nagastos ang pera sa kapa-kanan ng mamamayan, napunta lamang sa paghila sa sumadsad na barko.
- Latest