ANG bangketa o sidewalk ay ginawa ng lokal na pamahalaan para sa tao. Ito ay ginawa para sa ligtas na daanan ng mga residente sa kani-kanilang lugar. Subalit kapag ang maliit na espasyo na inilaan ng gobyerno para sa mga tao e pinakikinabangan ng iilan, ibang usapan na ‘yan!
Isang ginang ang nagreklamo sa amin sa BITAG-Kilos Pronto dahil ang bangketa raw sa may Maligaya Park, Novaliches, Quezon City ay hindi na madaanan dahil ginawang karinderya. Dahil tsibugan, maraming sasakyan ang nakaparada sa harap at ginawa pang tambakan ng basura ang gilid nito.
Napakamot lalo ako sa ulo noong nakita ko mismo ang video ng kadugyutan at kabalahuraan ng nagluluto dahil kitang-kita kung paano ihanda ang pagkain na para bang binaboy!
Paano na nga ba ang kaligtasan ng mga tao? Unang una at uulitin ko, daanan yan. Ang sakripisyo ng mga residente sa kalsada na mismo naglalakad at ang iba konti nalang mahahagip na ng sasakyan. Hihintayin pa ba natin na may masagasaan bago bigyan ng aksyon?!
Pangalawa, kitang-kita ang kababuyan ng mga hinayupak sa pagluluto. Ako na ang nagsasabi, hindi ito papasa sa sanitation na isinasagawa ng lokal na pamahalaan.
Pangatlo, obstruction ‘yan! Iligal! Hindi puwedeng iukupa ng kahit sinuman ang pampublikong lugar lalo na at daanan. May karampatang parusa ang sinuman na lalabag dito dahil isa ‘to sa batas ng ating bansa.
Nang ireklamo naman daw ito sa barangay ay binisita lamang at walang aksyon na ginawa. Nalintikan na! Ngayong nakaabot na sa amin ang sumbong, hindi na kami nag-aksaya ng oras at diniretso na namin ‘to sa head ng Business Permit and Licensing Office ng Quezon City na si Mr. Gary Domingo.
Agad naman nila pinuntahan ang Mine Food Eatery at pinagsabihan! Ang ganitong siste, alam na! Magpapahinga lamang saglit ang kanilang kababuyan at makalipas ng ilang araw o linggo, balik sa dating gawi. Tsk! Tsk! Saan kayo kumukuha ng kapal ng mukha?
Kapag raw hindi pa umayos ang may-ari i-evaluate nila ito at dahil mabilis ang agarang aksyon ng BPLO, once na positibo sa obstruction at bagsak sa sanitation, ipapasara nila ang karinderya at matutuldukan na rin ang kadugyutan nila!
Handa sumama ang grupo ng BITAG sa BPLO at sanitation department para gibain ang mga inirereklamong iligal na mga establisimento na umukopa sa bangketa!
Mga boss, linawin natin! Kami ay BITAG at Kilos Pronto lamang, nakikipag-ugnayan kami sa mas may kapangyarihan at ito ay ang lokal na pamahalaan. Sa tulong ng bawat alagad ng batas, nalulutas lahat ng mga idinudulog samin.
Pareho ang adbokasiya ng BITAG at alagad ng batas, yun ay makatulong sa mga nangangailangan. Malaki man o maliit ang inyong reklamo agad naming sosolusyonan.