HINDI lamang bigas ang inaangkat ng Pilipinas, pati galunggong din. Ang masama, ang inaangkat na galunggong ay frozen at may formalin, ayon sa Department of Health (DOH). Pero pati pala bigas na inangkat ay mayroon ding deperensiya sapagkat may mga bukbok. Paano makakain ang bigas na may bukbok? Kawawang mamamayan na ang kanin at ulam ay delikadong kainin.
Grabe na ang nangyayaring ito. Naturingang agrikultural na bansa at napapaligiran nang mayamang karagatan pero ang bigas at pang-ulam na isda ay nanggagaling pa sa ibang bansa.
Ayon sa report, ang Department of Agriculture ang pursigidong umangkat ng galunggong. Sabi ni Agriculture Sec. Emmanuel Piñol, ang pag-angkat ng galunggong ay para ma-stabilize ang presyo ng isda sa merkado at para maparami ang supply nito. Taun-taon daw kasi ay inihihinto ang paghuli sa mga galunggong para maparami ang mga ito. Wala naman daw masama kung umimporta ng galunggong ang bansa. Hindi naman daw maaapektuhan ang mga local na mangingisda. Tuloy daw ang pag-import ng galunggong at walang makakapigil.
Nakapagtataka talaga kung bakit kailangang umangkat pa ng galunggong. Sa pag-angkat nito, maaaring masagasaan ang mga lokal na mangingisda sapagkat sino pa ang bibili sa huli nilang galunggong dahil mas mura ang imported. Kawawa naman ang mga sariling mangingisda kapag bumaha sa palengke ang mga galunggong na imported.
At ang nakababahala pa nga sapagklat ang aangkating galunggong na galing sa China ay may formalin. Ayon sa DOH, delikadong kainin ang mga galunggong na may formalin. Ayon sa report, nasa 17,000 tonelada ng galunggong ang nakatakdang dumating sa bansa sa susunod na buwan.
Sabi naman ng Malacañang, kaya raw nasabi ng DOH na may formalin ang mga iimportahin na galunggong ay dahil sa babala ng grupong Pamalakaya na tutol sa importasyon ng nabanggit na isda.
Hindi dapat balewalain ang babala ng DOH ukol sa galunggong na may formalin. Tutulan ang balak na pag-iimporta nito. Tutukan din naman ang mga inaangkat na bigas na may bukbok. Huwag hayaang makapasok ang mga ganitong produkto na delikado sa kalusugan.