NILALAGNAT ba ang inyong maliliit na anak? Huwag mataranta!
Lahat tayo ay tiyak na may kuwento tungkol sa lagnat, personal man o kaugnay sa isang kaanak, kaibigan, at kakilala.
Isang karaniwang karanasan ang lagnatin ang mga bata. Natural lamang na makaramdam tayo ng takot at pag-aalala. Pero ang lagnat ay hindi isang uri ng sakit. Ito ay sintoma lamang ng isang sakit na dumapo sa katawan. Ang dapat nating laging isaisip ay kung ano ba ang naging sanhi ng lagnat. Dala ba ito ng impeksiyon, sobrang pagkahapo, pagkaka-bakuna, o ng iba pang kondisyon? Tiyak na may pinagmulan ang lagnat.
Ipinakikita ng paglalagnat na ang murang katawan ng anak ay lumalaban sa impeksiyon.
Kadalasan, may iba pang sintomang kaakibat ang lagnat: masakit na lalamunan, masakit na ulo, pagkawala ng ganang kumain, paglabas ng mga butlig sa balat, pananakit ng mga kasu-kasuan, pag-ubo, pagsipon, masakit na pag-ihi, pagsusuka, at paglulusaw. Ang mga karagdagang sintoma ang magsasabi kung ano ang sanhi nang pagtaas ng temperatura ng katawan. Dala kaya ito ng trangkaso, tonsilitis, sipon, pulmonya, bulutong-tubig, tigdas, urinary tract infection, gastroenteritis, o iba pa?
Sa mga batang wala pang anim na taon, may pangyayaring kinukumbulsyon sila dahil sa mataas na lagnat o patuloy na pagtaas ng lagnat. Benign Febrile Seizure ang tawag dito. Kung nasa lahi ito, hindi dapat ikatakot. Daluhan agad ang lagnat at huwag nang hayaang tumaas pa ito ng labis para makaiwas sa kombulsyon.
Bihira nang kumbulsyonin pa ang batang lampas sa anim na taon. Hindi naman magkakaroon ng masamang epekto ang ganitong uri ng kombulsyon sa paglaki ng bata. Hindi ito mauuwi sa brain damage o epilepsy.
Okey lamang ang remedyuhan muna ang lagnat sa bahay. Pero kung sa susunod na araw ay magtutuluy-tuloy pa rin ang lagnat, huwag nang makinig sa payo ng mga kakilala at kapitbahay. Mas maiging magpa-check up sa doktor upang matiyak kung ano ang sanhi ng lagnat at mabigyan ang inyong anak ng lunas.
Tandaan, bawat kaso ng paglalagnat ay hindi magkakatulad. Alamin ang sanhi bago magpasimulang magbigay ng gamot. Ang paracetamol kada 4 na oras hangga’t may lagnat ay ayos lang naman bilang paunang lunas. Pero ang pag-inom ng antibiotiko ay para lamang sa lagnat na dulot ng mikrobyong bacteria. Walang silbi ang antibiotiko kung mikrobyong virus ang sanhi ng impeksiyon. May ibang kababayan natin na kapag nilagnat ang anak, binibigyan agad ng antibiotiko kahit hindi pa tiyak ang sanhi. Hindi ito tama.