ISA nang ganap na batas ang Philippine Identification System (PhilSys) na nagtatakda sa pagpaparehistro ng lahat ng mga Pilipino at mga rehistradong dayuhan sa bansa, batay sa identification system na ito. Iisa na lamang ang gagamiting ID sa pakikipagtransaksyon sa gobyerno at maging sa pribadong sector.
Kontrobersiyal ang PhilSys sapagkat habang inaasahang pabibilisin nito ang pagkakaloob ng gobyerno ng serbisyo sa mamamayan, kinatatakutan naman ang maaaring maging paglabag sa right to privacy at ang peligro sa data security.
Ang PhilID ay maglalaman ng demographic data: buong pangalan, kasarian, petsa at lugar ng kapanganakan, blood type, tirahan at pagkamamayan. Maaari ring ilagay ang marital status, mobile number at email address. Maglalaman din ito ng biometric information: kuha ng mukha, full set ng fingerprints at iris scan. Ang Philippine Statistics Authority (PSA) ang kukuha at mag-iingat ng mga impormasyong ito.
Makatutulong din daw ang PhilSys sa pagsugpo ng katiwalian at bureaucratic red tape. Kung hindi ganap na maiingatan, talaga namang may panganib sa data security kung ang mga impormasyon ay mapasakamay ng mga taong may masamang binabalak. Maaari rin itong magamit ng militar sa mass surveillance dahil sa record history, kung saan itatala ang bawat transaksiyon o paggamit ng PhilID.
Tila mas madaling paniwalaan ang mga peligro na tulad ng right to privacy, data security at mass surveillance. Sa uri ng ating pamamalakad, posibleng-posibleng mangyari ang mga ito, kaya may basehan ang mga pangamba at pagkatakot. Ang sinasabing dahil sa sistema ay masusugpo ang katiwalian at bureaucratic red tape at mapapabilis ang transaksiyon sa gobyerno ay isang bagay na mas mahirap paniwalaan. Sa uri ng ating pamamalakad, nakapagdududang mangyayari nga ito.
Sino ba ang hindi nagnanais na matuldukan na ang katiwalian at bureacratic red tape dito sa atin? Sino ba ang hindi naghahangad na maging mabilis ang pakikipagtransaksyon sa gobyerno? Magagawa ba ito ng PhilSys?
May isang uri ng pagkakakilanlan na mas basic at foundational kaysa PhilSys. Ito’y ang ating pagkakakilanlan bilang nilikha ayon sa larawan ng Diyos. Ito ang pinagmumulan ng ating self-image at self-worth. Mayroon tayong panloob na kahalagahan sapagkat nang likhain tayo ng Diyos, ang ginawa Niyang padron o huwaran ay ang Kanyang sarili mismo.
Ang halaga mo’y hindi idinidikta ng mga bagay na galing sa labas tulad ng pera, alahas, damit, posisyon, pinag-aralan, kundi idinidikta ng nasa iyong kaloob-looban at himaymay, sa iyong kalikasan bilang nilikhang kawangis ng Diyos. Walang sinuman ang maaaring magsabi na wala siyang kuwenta. Pare-pareho tayong may kuwenta, sapagkat pare-pareho tayong nilikha ayon sa larawan ng Diyos.
Ang kailangang-kailangan ay mabawi natin ang ating tunay na pagkakakilanlan. At pagkatapos nito ay matuklasan natin ang dahilan ng pagkatawag sa atin ng Diyos na walang iba kundi para “parangalan ang Diyos sa pamamagitan ng pagmamahal at paglilingkod sa ating kapwa.” Ito ang tunay na ID system na talagang tatapos sa katiwalian at bureaucratic red tape at magdudulot ng kaginhawan hindi lamang sa pagnenegosyo, kundi sa lahat ng aspeto ng ating buhay.
Nawa, lahat ng Pilipino’y mapasailalim sa ganitong uri ng ID system—isang ID na hindi ilalagay sa pitaka, kundi iuukit sa isip at puso ng bawat Pilipino!