Tips para makaiwas sa heartburn at GERD

MARAMI nang nakaranas na ang kanilang stomach acid ay muling umaakyat sa esophagus at nakararanas na parang nananakit ang kanilang lalamunan at dibdib. Minsan nga ay napagkakamalan pa itong parang atake sa puso dahil sa nararamdamang mainit na pakiramdam sa dibdib. Heartburn ang tawag natin dito. Isa pang kondisyon ay ang tinatawag na GERD (Gastro-esophageal Reflux Disease) na puwedeng makasira ng ating esophagus o lalagukan.

Makabubuting magpasuri sa doktor upang malaman kung ito’y kaso lamang ng heartburn o GERD. Ano ang pagkakaiba ng dalawa? Ang heartburn ay pananakit na mararamdaman sa ilalim ng ating ribs o breastbone.  Sa GERD, makakaranas ng pananakit sa likod ng lalamunan at puwede tayong maubo o makaramdam ng pangingirot sa dakong mukha o leeg.

Paano makaiiwas?

1. Umiwas sa mga bagay na puwedeng magdulot ng atake nito. Kadalasang sanhi nito ay ang mga inuming kape, alak, o softdrink, o anumang may taglay na caffeine. Puwede rin ang mga pagkaing gaya ng pizza, maaanghang na pagkain, o mga pagkaing mayaman sa taba. Obserbahan kung anong klaseng pagkain o inumin ang nagdudulot sa inyo ng heartburn o GERD at iwasan na ang mga ito.

2. Iwasang matulog hangga’t busog pa. Palipasin muna ang 2-3 oras matapos kumain bago matulog. Sa paghiga, pinapayong piliin ang posisyong patagilid sa dakong kaliwa (mas malaki ang tsansang makaiwas sa heartburn) kaysa kung nakatagilid sa gawing kanan.

3. Pumili ng tamang unan. May mga unan na masyadong pipi (flattened) na kung kaya’t mas mataas ang tsansang magka-atake ng heartburn habang nakahiga. Taasan ng mga 11 pulgada ang gagamiting unan.

4. Umiwas uminom ng mga sleeping pills. Sa isang ginawang pag-aaral, sinasabing dinodoble nito ang panganib na magkaroon tayo ng heartburn o GERD.

5. Puwedeng uminom ng mga gamot na antacids (gaya ng Maalox, Mylanta, Gelusil, at iba pa). Ang ginagawa ng antacids ay ninu-netralize nito ang mga acid na inilalabas ng sikmura. Yung mga antacid na nagtataglay ng “alginates” ay mas mahusay dahil mas ibinababa nito ang panganib ng atake ng heartburn. 

6. May mga iba pang gamot. Kung hindi nakukuha ng mga simpleng antacids ang heartburn, subukang uminom ng mga gamot na tinatawag na “H2 blocker” gaya ng Ranitidine (Zantac) o Famotidine (Pepcid). Puwede rin ang mga tinatawag na “Proton pump inhibitors.”

• • • • • •

Happy birthday sa aking kaibigang si Edward Quirino Sarmiento ng Lian, Batangas sa Agosto 24. Si Edward ay laundry manager ng Grand Hyatt Hotel sa BGC, The Fort, Taguig City. Matagal siyang naglingkod bilang housekeeping manager nang malalaking hotel sa Pilipinas gaya ng ShangriLa Hotel, Century Park Hotel, at Mandarin Oriental Hotel at mga international cruise ships gaya ng Costa Cruises at Holland-America Liners. Cheers!

 

Show comments