MARAMI na namang sinibak si President Duterte noong nakaraang linggo at sabi ni Presidential Spokeperson Harry Roque, marami pang sisibakin ang Presidente sa mga susunod na araw dahil sa isyu ng katiwalian.
Tama ang sinabi ng Presidente noon na kapag may nalanghap siyang singaw ng corruption sa mga ahensiya ng gobyerno, sisibakin agad niya ang mga sangkot. Basta may singaw ng katiwalian, hindi siya mangingiming sibakin ang mga taong gobyerno. Kaya ang payo niya, magbitiw na ang mga inaakusahan ng corruption kaysa hiyain pa niya.
Noong nakaraang linggo, pawang mga military general ang sinibak niya. Pinakahuli niyang sinibak ang comptroller ng Philippine Military Aca-demy (PMA) na si Major Hector Maraña. Sinibak si Maraña dahil sa malversation ng P15 milyong pondo ng mga kadete. “I want this dismissed comptroller be sent to hell,” sabi ng Presidente. Halatang nagpupuyos ang damdamin niya dahil sa ginawang katiwalian ng comptroller na ang naapektuhan ay mga kadete ng PMA.
Bago ang pagsibak sa comptroller, kasisibak lang niya sa 20 military officials sa AFP Medical Center dahil din sa katiwalian. Kabilang sa mga sinibak sina Brig. Gen. Edwin Leo Torrelavega at Col. Antonio Punzalan dahil sa ghost delivery ng P1.4 milyon at iba pang katiwalian. Iniutos ng Presidente ang pag-court martial sa mga nasabing military officials.
Kahit saang sangay ng pamahalaan ay may na-gaganap na katiwalian. Sa kabila na nagbabanta ang Presidente na papatayin ang mga corrupt, marami pa rin ang gumagawa nito.
Maraming masisiyahan kung marami pang masisibak na corrupt. Hindi dapat manatili ang mga nagpapasasa sa kaban ng bayan. Nararapat silang kasuhan at bulukin sa bilangguan para hindi na pamarisan.