EDITORYAL - Marami pa rin ang hindi handa sa baha

TAUN-TAON ay nagbabaha sa Metro Manila. Mabibilang ang panahon na hindi umaapaw ang mga ilog, sapa at estero at maski ang Manila Bay ay nagluluwa ng tubig na may kasamang basura. Bihira na ang mga lugar na hindi binabaha ngayon. Sabi ng mga binaha sa Rizal province, dati raw ay hindi sila binaha noong “Ondoy” pero ngayon, habagat lang ang nagpaulan at binaha sila.

Mula nang mangyari ang “Ondoy” noong 2009 na lumubog ang Metro Manila, inasahan na marami na ang matututo lalo ang mga taga-Marikina na grabeng sinalanta ng baha. Pero marami pa rin ang hindi natuto lalo na sa Marikina na muling lumubog sa baha ang ilang subdibisyon noong nakaraang linggo dahil sa habagat. May mga bahay na nalubog at maraming kasangkapan, dokumento, damit at iba pang personal na gamit ang tinangay ng baha. Marami ang nasira dahil pinasok ng baha at putik ang mga bahay. Muli na namang nasorpresa ang mga taga-Marikina. Matapos ang baha, nagkalat ang maraming bagay sa kalsada na halos hindi makilala dahil nakabaon sa putik.

Marami ang binalewala ang anunsiyo na dapat lumikas na dahil tumataas na ang ilog. May mga residente na nakatira malapit sa ilog ang nagtungo pa sa mall kahit na malakas na ang buhos ng ulan. Pagbalik nila, lubog na ang kanilang bahay. Mayroon pang iniwan ang maysakit na asawa sa bahay kahit umuulan. Mabuti at naisalba ng rescuers ang asawang maysakit bago tuluyang pinasok ng tubig ang bahay.

Ang tanging naging handa sa nangyaring baha sa Marikina ay ang local government units (LGUs) sapagkat maagap silang nakapagbigay babala sa mga residente na kailangang lumikas na ang mga malapit sa ilog. Marami ang lumikas at nagtungo sa evacua­tion centers.

Sa evacuation centers, nakahanda na ang mga modular tents. Naging maayos ang kalagayan ng evacuees sapagkat mayroon silang privacy. Hindi katulad sa ibang evacuation centers na halo-halo ang mga tao at mahirap ang kalagayan.

Ang nangyaring baha dahil sa habagat ay may naituro na sanang leksiyon sa marami. Maging handa na sa susunod sapagkat ang baha ay bahagi na ng buhay ng mga Pilipino.

Show comments