KAPAG patuloy itong pagsingil ng revolutionary taxes ng rebeldeng New People’s Army (NPA) sa mga resort owners sa Batangas, hindi nakakapagtataka kung mamatay nang kusa itong booming tourism industry sa probinsiya. Kaya’t tinatawagan ng mga miyembro ng Association of Laiya Resort Owners (ALRO) ang Duterte administration na kumilos na para matigil itong panggigipit ng NPA sa negosyo nila. Abot kasi ng ALRO na ayaw ni Pres. Digong itong revolutionary tax ng NPA at sa katunayan isa ito sa mga demands n’ya sa peace talks sa mga komunista. Subalit pansamantalang natigil ang peace talks kaya patuloy pa rin ang pananalasa ng mga rebeldeng NPA para maningil ng revolutionary tax. At sa tingin ni Federico Campos lll, miembro ng ALRO, wala nang ibang makatulong sa kanilang problema kundi si Pres. Digong dahil arok n’ya na ang revolutionary tax na nakolekta ng NPA ay ginagamit para pabagsakin ang kanyang administration, ‘di ba mga kosa? Remember “Ibagsak si Digong by October” program ng komunista? Araguyyyyy! Get’s n’yo mga kosa? Hak hak hak! Hala kilos na Pres. Digong Sir bago magsara ang mga resorts sa Batangas dahil marami ang mawawalan ng trabaho.
Ang masama nito Pres. Digong Sir ginagamit ng NPA ang informal settlers para i-harrass ang mga resort owners na, hindi nag-aabot sa kanila ng revolutionary tax. At isa sa target nila ay itong si Campos nga dahil hanggang sa ngayon, ay nagbabayad ng buwis sa Duterte administration at tumangging pondohan ang October program ng komunista. Kung sabagay may punto si Campos ah, di ba mga kosa? Kaya lang habang umiiwas si Campos sa revolutionary tax ng NPA, aba dalawang security guards niya na sina Estino Patikul at Kennedy Ladja, ang nagbuwis ng buhay nila. Sina Patikul at Ladja, ng JPS Security Agency, ay mga bantay ni Campos sa pag-aari n’yang Virgin Beach Resort, na sakop ng 1.7 kilometer na shoreline sa bayan ng Laiya. Siyempre, itong dalawang security guards at ang mga kasamahan nila ang palaging nauutusan para linisin ang beach resort ng mga tinatawag na informal settlers na suportado naman ng NPA, ani Campos. Ang katwiran naman ng settlers, walang court order si Campos para gibain ang mga bahay nila sa loob ng resort nito. Araguyyyy! Ano ba ‘yan? Hak hak hak! Mukhang hindi na mapakinabangan ni Campos ang lupain n’ya kapag patuloy na lumalaban itong mga informal settlers, di ba mga kosa?
Sa kasalukuyan, ang mga informal settlers na kontrolado ang NPA at ang ALRO ay mahigpit na naglalabanan para ma-kontrol ang tinatawag na Laiya-Lobo national highway, ang daan papunta sa mga resort sa Batangas.
Abala naman ang Batangas PNP sa kanilang imbestigasyon para makasuhan ang nasa likod sa pagpaslang kina Patikul at Ladja. Nangako si Sr. Supt. Edwin Quilates, director ng Batangas PNP na magsasampa sila ng kasong kriminal laban sa mga suspects sa darating na mga araw. Sinabi naman ni Campos na kaya sila dumalaw sa resort ay para ayusin ang mga bakod na giniba ng mga informal settlers at para walisin ang mga bahay sa loob ng ari-arian niya. Para naman mabigyan pansin ang kanilang problema, nagtayo ng roadblocks at checkpoints ang mga informal settlers sa gitna ng Laiya-Lobo national highway at siyempre hindi na makarating ang mga turista at mga Pinoy sa mga resorts. Araguyyyyyy! Hahayaan na lang kaya ni Pres. Digong na mamamatay ang tourism industry ng Batangas! Boom Panes! Hehehe! Kanya-kanyang gimik lang ‘yan!
Teka nga pala! Ano kaya ang desisyon dito ng provincial government ng Batangas lalo na ang municipality ng Laiya? Kapag nagsarahan ang mga negosyo ng resort owners, di ba mawawala din ang pondo nila sa pamamagitan ng tax na binabayad sa kanila? Abangan!