LAHAT nang basurang itatapon sa mga estero, kanal, sapa, ilog at iba pang waterways sa Maynila ay aanurin patungo sa Manila Bay. Ang Manila Bay ang tanging hantungan ng mga basurang galing sa estero. Kapag masungit ang panahon at malalaki ang alon, muling babalik ang mga basura sa Roxas Boulevard. Isusuka ng galit na alon ang plastic bottle, plastic shopping bags, sirang plastic na silya, styro, sandamukal na sache ng kape, shampoo, lotion at toothpaste, bulok na kutson, pinagbalatan ng buko, bao ng niyog at marami pang basura na hindi nabubulok.
Noong Sabado na nanalasa ang habagat sa Metro Manila at Central Luzon, muling nagngalit ang alon sa Manila Bay at isinukang muli ang mga basura. Mas marami ang isinukang basura sa Roxas Boulevard ngayon kumpara sa mga nakaraan. Kaya grabeng trapik ang ibinunga dahil hindi lamang baha ang iniwasan ng mga motorista sa kahabaan nang nasabing kalsada kundi pati ang maraming basura.
Ang mga iskuwater na nakatira sa mismong estero at pampang nito ang nagtatapon ng mga basura. Wala namang ibang panggagalingan nito sapagkat sila lamang ang mga nakatira sa mismong estero. Sa estero na nagdederetso ang kanilang dumi. Ang mga plastic bags na kanilang ginamit, ihuhulog na lang sa tubig at presto!
Wala namang kakayahan ang local government units (LGUs) na sawatain ang pagdami ng mga iskuwater. Walang mapaglipatan sa mga ito. At kung ma-relocate naman, ibebenta ang pinagkaloob na bahay at lupa at saka babalik sa dating tirahan sa estero. Maraming ganito kaya hindi malutas ang problema ng illegal settlers. Dahil sa pagdami nila, patuloy din ang problema sa basura at pagbaha. Wala nang katapusan ang problema sa baha na pinalubha ng mga basura.
Kung mawawala ang illegal settlers sa tabing ilog o estero, saka pa lamang malulutas ang problema sa baha at basura. Kung hindi, habambuhay nang kahaharapin ang problemang ito. Hindi na makakatakas ang mamamayan sa “bahasura”.