Kamatayan ng katawan at kaluluwa

KAPAG ang isang tao ba’y nagkasala (halimbawa ay nakapatay ng kapwa), nawawala ba ang kanyang dignidad bilang nilikhang kalarawan ng Diyos? Ang sagot dito ni Pope Francis ay  hindi nawawala ang dignidad ng isang tao kahit pa nagawa niya ang isang karumal-dumal na krimen, kung kaya’t hindi katanggap-tanggap ang parusang kamatayan sa anumang sitwasyon.

Bunga ng paninindigang ito, nagaganap ngayon sa Roman Catholic Church ang isang malaking pagbabago sa dati nitong katuruan na tumatanggap sa parusang kamatayan kung ito na lamang ang natatanging paraan upang pangalagaan ang buhay ng mga tao laban sa karahasan.  Ayon sa Papa, ang hatol na kamatayan ay kailangang alisin, sapagkat laban ito sa katuruan ng Ebanghelio.

Ang parusang kamatayan ay ipinagbabawal na sa lahat halos ng bansa sa Europe at South America, ngunit nananatili pa rin sa US at maraming bansa sa Asia, Africa at Middle East.  Noong 2006, inalis na sa Pilipinas ang parusang kamatayan, gayunman, nakapasa na sa Kamara ang pagpapanumbalik nito para sa mga karumal-dumal na krimen, lalo na ‘yong may kaugnayan sa ipinagbabawal na droga.  Ang panukala ay kinakailangan pa ng pagpapatibay ng Senado. Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, Jr., ang pagpapanumbalik sa parusang kamatayan ay nananatiling prioridad ng kasalukuyang administrasyon.

Marami ring pag-aaral ang nagpapatunay na ang parusang kamatayan ay hindi isang mabisang panghadlang o “deterrent” sa paggawa ng krimen. Higit pa rito, hindi perpekto ang anumang sistema ng hustisya sa lahat ng mga bansa. Walang nakatitiyak nang siyento porsiyento na lahat ng nahahatulan ng parusang kamatayan ay siyang tunay na nagkasala. Sa kabilang dako, hindi lahat ng napapawalang-sala ay tunay ngang walang sala. Isang napakalaking pagkakamali at kawalang-katarungan kung may isang walang kasalanan na mahatulan ng parusang kamatayan.

Paano na rito sa atin? Mapapaniwalaan ba ang sistema ng ating hustisya? Lahat ba ng nakakulong sa mga bilangguan ay totoong mga nagkasala? Ilan sa kanila ang biktima ng kawalang-katarungan na dahil walang pinag-aralan ay napaglalangan ng mga tuso o dahil walang pera ay hindi nakakuha ng magaling na abugado?

Siyempre, hindi natin maiaalis sa pamilya ng isang naging biktima ng krimen na gustuhing mahatulan ng kamatayan ang kriminal. Mata sa mata, ngipin sa ngipin, wika nga. Ngunit kung pinaniniwalaan mo na bawat buhay ay sagrado at ang dignidad ng tao na nilikhang kalarawan ng Diyos ay hindi tuluyang nawawala kahit na siya’y nagkasala, hindi mo maaaring ipagkatiwala ang kahit isang buhay sa isang imperpektong sistema ng hustisya na nakukulapulan ng pagsasamantala at pagtatangi. 

Walang ibang maka-Diyos na “option” kundi ang tanggihan ang parusang kamatayan.  Samantala, ang higit na karapat-dapat na pagtuunan ng ating suporta ay ang paglaban sa mga pinagmumulan ng krimen na katulad ng kahirapan, kawalang-katarungan, kasinungalingan, katiwalian, at marami pang ibang “social evils.”

Mahalagang ating maunawaan na ang dapat katakutan ng tao ay ‘yung makapapatay ng katawan at kaluluwa. Ganito ang sabi ni Hesus sa Mateo 10:28, “At huwag ninyong katakutan ang mga pumapatay ng katawan, ngunit hindi nakapapatay ng kaluluwa. kundi katakutan ninyo siyang makakapuksa ng kaluluwa at ng katawan sa impiyerno.”

Kaya ang mas makapangyarihang panghadlang o “deterrent” sa krimen ay ito: ang pagkatakot sa Diyos na simula ng karunungan at ang pagmamahal sa kapwa na pinakamataas na kapahayagan ng pagmamahal sa Diyos. Isabuhay mo ito at ikampanya na isabuhay ng iba!

Show comments