SIYA si Sir Manuel sa mga estudyante niya. Practical Arts ang subject na itinuturo niya kaya mga lalaki ang estudyante niya. Kulang sa mga gamit ang kanilang school kaya sarili niyang tools sa pagkumpuni ng sasakyan, handicraft at carpentry ang ipinahihiram sa kanyang mga estudyante. May pagkakataong nasisira ng mga estudyante ang kanyang mga tools. Sarili niyang pera ang ipinagpapa-repair nito dahil walang budget ang school.
Naaawa siya sa mga magulang ng mga bulakbol na mga estudyante kaya kung minsan ay sinita niya ang mga ito nang mahuli niyang umaakyat sa pader para makalabas sa school. Kung sino pa ang gumagapang sa hirap ng buhay, sila pa ang walang hilig mag-aral. Kaya lang ay nagalit pala sa kanya ang mga estudyanteng ito. Hinamon siya ng away. Buti na lang at magaling siyang magpigil. Napanatili pa rin niya ang mataas na dignidad ng isang guro.
Noong kabataan niya ay matapang siyang lalaki. Sanay siya sa bugbugan. Baka sa kahahamon ng mga tarantado niyang estudyante ay bumigay siya. Matalo ang kanyang pagiging guro at mabuhay ang kanyang pagiging sanay sa bugbugan. Kapag nangyari iyon, malamang na masasayang ang kanyang pinaghirapan. Ilang taon na lang at magreretiro na siya. Kaya naisipan niyang mag-early retirement.
Pero hindi naman pala nasayang ang kanyang pagiging mabu-ting guro. Minsan ay nagulat siya na may nagbayad ng kinain niya sa isang restaurant. Iyon pala ay binayaran na ng manager ng restaurant na dati niyang estudyante. Tinatanaw pala ng estudyanteng iyon ang pagbibigay niya rito ng sapatos. Ayaw itong papasukin ng guwardiya dahil nakatsinelas lang.
Isang araw ay nasira ang kanyang kotse. Dinala niya ito sa casa. Dati pala niyang estudyante ang mekaniko rito. Malaki ang sira kaya malaki rin sana ang pagbabayaran niya. Nang magbabayad na siya, sinabihan siya ng cashier na bayad na ito. Inilibre siya ng mekaniko na isa na palang supervisor. Siya ang estudyante noon na nakasira ng gamit para sa pagkukumpuni ng sasakyan. Sa bandang huli, hindi pa rin siya nagsisisi kung bakit pagtuturo sa public school ang pinili niya. Masarap isipin na isa siya sa naging instrumento para maiangat ng ilang estudyante ang kanilang buhay mula sa pagiging mahirap.