Mister na batugan, nasampolan!

HALIGI ng tahanan, ‘yan ang bansag sa ating magigiting na ama o tatay! Bilang padre de pamilya, sila ang kumakayod para matustusan ang pang-araw-araw na pangangailangan ng bawat miyembro ng pamilya.

Subalit paano kung ang napangasawa mo e kabaliktaran nito? Anong buhay kaya ang mayroon kayo?

Isang ginang ang lumapit sa BITAG Headquarters para humingi ng saklolo. Reklamo niya, kinuha raw ng kanilang landlady ang pedicab na ginagamit nilang panghanapbuhay. Ang dahilan, ‘di sila nakakabayad ng monthly dues sa inuupahan nilang apartment.

Inalam ko ang estado ng kanilang pamumuhay at talaga namang kaawaawa. Masuwerte na kung makakain ng tatlong beses sa isang araw. Pero habang kausap ko ang ginang, nagpanting ang aking taynga. Ito pala kasing mister niya, walang ginagawa para buhayin sila. Pahila-hilata sa sala habang nagkakamot ng bombolyas.

Mantakin n’yo mga boss, si Misis pa ang nagbabanat ng buto para kumita. Maghapong umiikot para maglako ng daing at tuyo. Samantalang ang asawa niya, batugan na, tumitira pa ng ipinagbabawal na droga!

Bilang isa ring ama, ‘di uubra sa akin ang ganitong sistema. Para magkaalaman, inimbitahan namin si Mister sa aming tanggapan. Dahil ‘di na matanggap ang katamaran, si Misis gusto nang makipag-hiwalay. Pero si Mister ayaw nang hiwalayan, nangakong magbabago at maghahanap daw siya ng trabaho.

Dahil dalawang buwan nang napurnada ang paghahanapbuhay ng ginang, isang mabuting sponsor naman ang nagmagandang loob na mag-donate ng customized pedicab para makapagsimula ulit.

At good news mga boss, matapos kong makausap ang tamad niyang asawa, ngayon ay driver na raw ito ng ambulansiya sa barangay at suma-sideline sa pagiging tricycle driver. Natuwa ako at may pagbabago na naganap matapos ko makastigo si loko! Hiling ko na lamang ay magtuluy-tuloy ito para naman maging maganda na ang kinabukasan nilang pamilya.

Ito ay isa lamang sa kuwento ng mga simple at totoong tao at kung nag-aanalisa kayo, may makukuha kayong leksiyon na applicable sa buhay n’yo. Sabi nga ng mga millennials, YOLO, You Only Live Once, so make the most out of it at maging mabuting tao habang nabubuhay sa mundo.

Show comments