BINASAG ng 10-anyos na Pilipino-American ang record na naitala ng 23-time gold medalist sa Olympics na si Michael Phelps noong 1995.
Nahigitan ni Clark Kent Apuada, na binansagang “Superman” ng kanyang mga kaibigan dahil sa kanyang pangalan, ang record ni Phelps nang tapusin niya ang 100-meter butterfly sa loob ng 1:09:38 sa ginanap na Far Western Long Course Championship sa California noong nakaraang Linggo.
Mas mabilis ito ng isang segundo sa oras ni Phelps na kanyang naitala sa mismong kompetisyon din nang ginanap ito noong 1995. Bago ito nabasag ni Clark ay walang ibang nakahigit sa record ni Phelps sa loob ng 23 taon.
Tuwang-tuwa naman si Clark sa kanyang naging tagumpay dahil ayon sa kanya ay pangarap na niya na mahigitan ang record ni Phelps simula pa noong siya’y pitong taong gulang nang una siyang sumali sa mga kompetisyon sa paglangoy.
Olympics naman ngayon ang susunod na target ni Clark at umaasa siyang makakasali siya sa taong 2024 o 2028.
Kaya naman ngayon ay nagsasanay na si Clark upang mapantayan o mahigitan niya ang kanyang idol na si Phelps, na nakasungkit ng kabuuang 28 medalya at kinikilala bilang pinaka-dekoradong Olympian sa kasaysayan.