Ghost month daw ang Agosto ayon sa mga Tsino!

IKAWALONG buwan ng taon at walong buwan din bago mag-eleksiyon, samantalang ang mga congressman na may numerong otso sa mga plaka ng kotse nila na sumasagisag sa andamyo ng kapangyarihan ay nagkakaungguyan na sa paghagilap ng suwerte, kaya nagbabangayan na ang mga congressman na kaalyado ni Speaker GMA sa pagkopo ng magagandang komite at maging sa hanay ng minority bloc ay nagbabangayan na rin kung sino ang magiging minority floor leader. Ang multo nga naman ng kasakiman, parang sayaw na otso-otso, he-he!

Hindi totoong suwerteng numero sa mga Tsino ang otso, dahil may paniwala sila sa feng sui, at nakalutang daw ang Agosto sa lahat ng negatibong bagay lalo na sa negosyo at pag-oorganisa. Hindi kaya ito ang dahilan kung bakit tinatawag nilang August chamber ang Kongreso?

Marami nang kuwentong ghost employees at ghost projects sa kongreso, pero hindi na i-exorcise ang mga ito. Sa administrasyon ni GMA at P-Noy lumutang ang maraming anomalya, kaya napalutang nila ang ghost project queen na si Janet Napoles, pero ang karamihan ng mga akusasyon ay parang nagmula sa mahiwagang ghost accusers na rin lamang. O baka naman may sabit din ang arbularyong nagtatawas? Ito siguro ang sinasabi ni President Digong na ayaw niya mag-opisina sa Malacañang dahil marami raw multo roon. Ahahahaay!

Mas mabuti siguro na tuwing Agosto itakda ang eleksiyon para umayon sa ghost month ang ghost voters at ghost barangay precincts. O ‘di ba? Moo moooo pa more!

• • • • • •

Ghost members ng Philhealth kumukolekta?

Pinaiimbestigahan ni Cong. Arnolfo Teves Jr. si PhilHealth Interim President Celestina Ma. Jude De la Serna dahil sa maluho at maanomalyang pamumuno nito sa ahensiya, na nag-ugat sa pagbabayad nito ng P3,800 bawat araw sa hotel sa buong 2017 na ang kabuuan ay P627,000.00 gayung nalulugi na nga ang PhilHealth ng halagang P8.92 billion dahil diumano sa mga ghost members nito. Pati pala multo puwedeng mag-member sa PhilHealth?

• • • • • •

Ghost barangay sa Maynila na-exorcise na ba?

Ibinisto ng Commission on Audit na may 27 ghost barangay na binahaginan ng Internal Revenue Allotment, na kabahagi ng real property tax collection ng City of Manila. Hindi pa naman daw ito nari-release lahat maliban sa multong Barangay 10 na nakakuha na ng P365,000 mula sa P108 million na nailaan sa mga ghost barangay. Baka maubos ang tawas at insenso sa Divisoria e! Hindi nila mapalutang ang mga multong barangay sa Maynila, hahahaha!

Ang Manila ay merong 896 barangay, pero 923 ang pinaglaanan ng real property tax shares. Baka magalit at multuhin kayo nina Mayor Arsenio Lacson, Antonio Villegas, Ramon Bagatsing at Mel Lopez. Kayo rin! He he.

Show comments