Police dog na sobrang galing sa pag-amoy sa droga, nilagyan ng patong sa ulo ng mga sindikato sa Colombia
SA galing ng police dog na si Sombra na makaamoy ng iligal na droga ay nasa 245 na katao na ang nakukulong at siyam na toneladang cocaine na ang nasasabat ng mga kinauukulan sa Colombia dahil sa kanya.
Ngunit ang angking galing din na ito ng 6-anyos na si Sombra ang maaring maging mitsa ng kanyang buhay.
Sa dami kasi ng nakulong at nasabat na droga dahil sa kanya ay naglagay na ng patong na $70,000 (katumbas ng P3.7 milyon) sa kanyang ulo ang isang sindikato ng droga roon.
Kaya naman para masigurado ang kanyang kaligtasan ay binigyan na ng sariling niyang police escort si Sombra.
Patunay lamang ito ng kontribusyon ng aso sa giyera ng Colombia laban sa droga.
Ipinagmamalaki ni Col. Tito Castellanos, deputy director ng anti-narcotics police ng Colombia, na lumahok na sa 300 anti-drugs operation si Sombra.
Hindi na tuloy kataka-taka na dalawang K-9 Medals of Courage na ang naigagawad kay Sombra para sa kanyang hindi-matatawarang serbisyo at posibleng madagdagan pa ito ng isa ngayong taon.
- Latest