EDITORYAL - Mga lubak-lubak na kalsada naman ang atupagin
TAPOS na ang SONA ni President Duterte kaya nararapat nang kumilos ang lahat partikular ang kanyang Cabinet Secretaries para mapabilis ang pagbibigay ng serbisyo sa mamamayan. Maraming pinangako ang Presidente para sa ikauunlad ng bansa at mamamayan at gusto niya ay maideliber ito karaka-raka. Ilan sa mga ipinangako niya para sa ikagaganda ng buhay ng masa ay ang pagpapababa ng presyo ng bigas, pagpapasa ng Universal Health Care Law at ang pagtatatag ng Department of Disaster Management.
Pero walang nabanggit ang Presidente ukol sa trapik at ang pagpapabilis ng mga infrastructure project para mapakinabangan ng mamamayan. Wala rin siyang nabanggit na dapat bilisan ng Department of Public Works and Higways (DPWH) ang pagsasaayos ng mga kalsada na pininsala ng baha dahil sa walang tigil na habagat. Maraming kalsada sa maraming bahagi ng bansa ang nasira o nagkalubak-lubak dahil sa walang tigil na pag-ulan.
Sa Metro Manila na lamang, maraming pangunahing kalsada ang butas-butas na nagmistulang sungkaan at nagiging dahilan ng trapik. Kahapon, grabeng trapik ang naranasan sa Balintawak, Quezon City dahil sa mga lubak-lubak na kalsada na iniiwasan ng mga motorista. Grabe rin ang lubak sa Blumentritt St. na nagiging dahilan ng trapik. Sa may Manila City hall, marami ring lubak-lubak na kalsada na nagiging dahilan ng pagbagal ng trapiko.
Butas-butas din ang kalsada sa Dimasalang, Laon Laan, Dapitan, Earnshaw at wala pang ginagawang pagsasaayos ang DPWH. Kahapon, sumikat na ang araw at dapat sana’y nag-umpisa nang magtapal ng mga lubak-lubak ang DPWH pero walang nasilayan sa kanila.
Maraming pangako si Duterte sa kanyang SONA pero hindi kayang ideliber nang mabilisan sa masa dahil mabagal ang kanyang mga tauhan. Magsimula na sana sila para may matikman ang masa. Huwag nang hintayin pang magalit ang Presidente at magsalita nang hindi maganda.
- Latest