ANG problema noon, problema pa rin ngayon at lalo pang lumubha. Bumaha muli sa Metro Manila noong Martes. Walang tigil ang pag-ulan dahil sa habagat na pinatindi ng bagyong Henry. Dahil sa baha, sinuspende ang klase sa Metro Manila at mga probinsiya sa Central Luzon. Pati ang mga pasok sa gobyerno ay sinuspende na rin. Maraming na-stranded dahil sa mataas na baha. Walang makadaan na mga sasakyan. Ang ilang sasakyan na nagpilit dumaan sa bahang kalsada, lumubog.
Ang mga lugar na binaha ay yung mga lugar din na dating binabaha noon. Walang pagbabago. Muling bumaha sa Araneta Avenue, Santo Domingo at Roxas District sa Quezon City. Lampas tao naman ang baha sa R. Papa St. sa Maynila. Bumaha rin sa España Blvd., Sta. Cruz. Kalaw St. at Roxas Blvd.
Naging kapansin-pansin ang maraming basura sa Araneta Avenue na tangay ng agos. Sari-saring basura na karamihan ay mga plastic. May shopping bag, plastic bottle ng softdrink at mineral water, sache ng coffee, shampoo, styro box, bulok na electric fan, plastic chair at marami pang iba.
Basura rin ang iniluwa ng nagngangalit na alon mula sa Manila Bay at ikinalat sa kahabaan ng Roxas Blvd. Pawang plastic na basura na kinabibilangan ng grocery bags, botelyang plastic at marami pa. Ang itinapong basura ng mga walang disiplinang mamamayan ay ibinalik din ng alon.
Basura ang dahilan kaya hindi malutas ang pagbaha sa Metro Manila. Maraming basura sa mga estero kaya hindi umaagos ang tubig. Ang mga basura ay tinapon ng mga nakatira sa gilid ng estero. Halos lahat ng dumi at basura ay sa estero ang tapon. Sama-sama na.
Ilang linggo na ang nakararaan, nagkaroon ng paglilinis sa ilang estero sa Maynila at ni-relocate rin ang mga nakatira sa pampang. Pero dahil hindi naman nababantayan ng barangay officials ang kanilang nasasakupan, muling nagbabalikan ang mga iskuwater kaya balik na naman sa pagtatapon ng basura sa estero.
Ito ang dahilan kaya hindi malutas ang problemang baha sa MM.