EDITORYAL - Mag-ingat sa dengue

HINDI lamang leptospirosis ang nararapat iwasan ngayon kundi pati na rin ang dengue. Ang dalawang sakit na ito ang nananalasa ngayong panahon ng taga-ulan at baha. Ayon sa Department of Health (DOH) tumataas ang bilang ng mga nagkaka-leptospirosis at mayroon nang mga namatay. Payo ng DOH, mag-ingat sa paglusong sa baha sapagkat kontaminado ng ihi ng daga at iba pang hayop.

Pero dapat ding magbigay ng babala ang DOH laban sa pagdami ng kaso ng dengue. Ayon sa isang report, may naitala nang 10,980 kaso ng dengue ang naireport ngayong taon na ito. Mas mataas ito kumpara sa naireport na kaso noong nakaraang taon na 4,165 kaso.

Nakapangangamba kung may katotohanan ang pagtaas ng bilang ng mga nagkaka-dengue. Maaaring masabi na kaya tumataas ang bilang ay dahil marami na ang ayaw magpabakuna dahil natakot sa kontro-bersiya ng dengvaxia kung saan maraming bata na ang naiulat na namatay. Mahigit 800,000 bata ang binakunahan noong 2016 sa ilalim ng Aquino admi-nistration. Pero inamin ng manufacturer ng dengvaxia – ang Sanofi Pasteur na ang dapat lamang mabakunahan ay yung mga nagka-dengue na. Maraming bata na hindi pa nagkaka-dengue ang nabakunahan kaya hanggang ngayon, batbat ng kontrobersiya ang nangyaring immunization program ng DOH sa ilalim ng nakaraang administration.

Ang dengue ay hatid ng lamok na Aedes Aegypti. Ang lamok na ito na kadalasang nangangagat tuwing daytime ay madaling makikilala dahil batik-batik ang katawan. Ang kalinisan sa loob ng bahay at kapaligiran ang susi para mapigilan ang pagkalat ng mga lamok na may dengue. Huwag iistak ang mga basyong bote, lata, gulong ng sasakyan, paso ng halaman sapagkat napupuno ito ng tubig sa panahon ng tag-ulan. Linisin din ang mga kanal na hindi umaagos ang tubig sapagkat dito nangingitlog ang mga lamok.

Sintomas ng dengue ang lagnat, pagkakaroon ng pantal-pantal sa balat, pananakit ng ulo, kasu-kasuan, at pagsusuka.

Ang pagbibigay ng gabay sa mamamayan ukol sa dengue ay nararapat pang paigtingin ng DOH. Magbigay ng inpormasyon sa mamamayan ukol sa dengue upang ganap na maiwasan ito. Marami pa rin ang salat sa kaalaman ukol sa mga lamok na naghahatid ng sakit lalo ang mga nasa liblib na lugar. Kalinisan ang susi para hindi mabuhay ang mga lamok.

Show comments