EDITORYAL - Paninigarilyo sa publiko hindi maipagbawal

MARAMING naninigarilyo sa pampublikong lugar at hindi sila mapagbawalan. Walang sumi­sita sa kanila. May batas na nagbabawal manigarilyo pero walang ngipin at saysay. Maraming naninigaril­yo sa mga plaza, palengke, at maski sa loob ng mga gusali at pampublikong sasakyan. At walang nanga-ngahas hulihin ang mga ito. Maski nakikita ng mga pulis at iba pang awtoridad na may naninigarilyo sa pampublikong lugar, hinahayaan na lang nila. Sayang ang batas ukol dito sapagkat hindi naiimplement. Ang nagsa-suffer ay mga hindi smokers.

Noong nakaraang taon, nilagdaan ni President Duterte ang isang Executive Order na nagbabawal manigarilyo sa mga loob ng gusali o establisimento sa buong bansa. Si Duterte mismo ang humiling sa Department of Health (DOH) na gumawa ng draft para maisama ang pagbabawal sa paninigarilyo sa loob ng gusali. Ang pagbabawal sa paninigarilyo sa loob ng mga gusali ay unang ipinatupad sa Davao City noong si Duterte pa ang mayor at naging matagumpay ang kampanya. Ang tagumpay sa no smoking ban sa Davao City ay pinuri ng World Health Organization (WHO). Pero dahil hindi maimplement ang nasabing EO, patuloy ang paninigarilyo sa publiko. Walang sumusunod.

Ayon sa DOH, ang pagbabawal sa paninigarilyo sa mga pampublikong lugar sa buong bansa ay upang makaiwas sa pagkakasakit ang mamamayan. Ang second hand smoke ay sinasabing mas matindi ang epekto sa mga nakalalanghap nito.

Ayon sa WHO, limang milyong tao ang namamatay taun-taon at maaaring maging walong milyon sa pagsapit ng 2030 kung hindi magkakaroon nang matibay na kampanya laban sa paninigarilyo.

Ayon sa DOH, ang mga sakit na nakukuha sa paninigarilyo ay hypertension, heart attack, stroke, cancer at lung disease. Ang chronic obstruction pulmonary disease (COPD) ay isa sa mga sakit na dulot ng paninigarilyo.

Sayang ang batas, dapat nang maipatupad ang pagbabawal sa paninigarilyo sa mga pampublikong lugar. Kawawa ang mga taong nagkakasakit dahil sa second hand smoke. Hindi dapat ibalewala ang batas ukol dito.

Show comments