Mga ‘disenteng’ panloloko, bistado!
LUMILIPAS ang panahon pero mga klase ng panloloko at pambibiktima ay hindi pa rin natitinag. Iba’t ibang estilo, iba’t ibang lugar. Karaniwang naglulungga ang mga mapanlinlang sa negosyong nagbebenta ng mga lehitimong produkto sa mga mid-end at low-end malls.
Modus ng isang appliance center sa isang kilalang mall sa Maynila, bistado! Mga mamahalin nilang produkto, sapilitang ibinebenta sa mga tao. Target ng mga dorobo, mga probinsiyano at OFW. ‘Yung iba naman, seaman na kabababa lang ng barko.
Ang kanilang pang-akit, promo, premyo at mga free item sa mga inaalok na produkto. Naka-poste sa loob at labas ng mall ang mga ahenteng nag-aalok ng mga produkto sa kanilang mga tinatarget na biktima.
Ilan sa mga nabiktima ang tumungo sa aming tanggapan upang ipaalam ang ganitong klaseng panloloko. Agarang pinag-aralan at inimbestigahan ng BITAG Investigative Team ang nasabing reklamo.
Sumailalim sa isang undercover operation ang BITAG Investigative Team upang mapatunayan ang inirereklamo. Nagpanggap na promdi-seaman at nagkunwaring interesado sa mga inaalok na produkto ang aming tauhan.
Napatunayang sapilitan ang pagbebenta ng kanilang mga produkto. Ang mas malala sa kanilang panloloko, pilit kinukuha ng mga ahente ang ATM card ng kanilang mga naloloko at sila rin mismo ang kukuha ng halaga.
Kaya naman agad kaming nakipag-ugnayan sa mga alagad ng batas. Sinalakay namin ang kanilang puwesto. Luma at bulok nilang estilo ng panloloko, bistado!
Layunin ng BITAG na ilantad ang ganitong estilo ng mga panloloko para hindi na makapang-biktima ang mga dorobo. Isa pa nito, nais ng BITAG na maging wais ang nakararami sa pamimili at umiwas sa mga ganitong panggagantso.
Ayon na rin sa Department of Trade and Industry, scam ang ginagawang panloloko pero lehitimo ang mga produkto. Karamihan sa mga manloloko, sa mga mall nagtatago. Payo ng DTI, huwag padalus-dalos sa pagtangkilik ng mga produkto o mga inaalok na serbisyo. Sa madaling salita, huwag maging impulsive buyer.
Magsilbing aral ito sa mga mahihilig tumangkilik ng mga produkto at serbisyo lalo na sa mga mabibilis maengganyo ng mga promo. Maging wais para hindi mabiktima.
Para sa mga biktima ng parehong panloloko, mapa-ibang mall, ibang kompanya, ibang estilo ng pambibiktima, huwag magdalawang-isip lumapit sa aming tanggapan sa 102 Richwell Center Timog Avenue, Quezon City.
- Latest