NAGSIMULA ang showbiz career ni Bing Crosby bilang miyembro ng isang hindi gaanong kilalang singing group. Pero sa kasamaang palad ay tinubuan siya ng bukol sa kanyang lalamunan. Mahigit na trenta anyos na siya noon. Sa awa ng Diyos ay gumaling siya pero nagbago ang kanyang boses. Mas gumanda dahil ayon sa mga observers, nag-boses teenager daw siya.
Akalain ba niyang pinaganda ng “bukol” ang kanyang boses. Akala niya ay katapusan na iyon ng kanyang singing career. Pero hindi pala. Nagkaroon siya ng “kakaibang boses” na nagpasikat sa kanya. Ang biggest hit song niya ay White Christmas noong 1942. Naging trademark niya ang pagkakaroon ng warm bass-baritone voice
Ang “masamang kapalaran” daw kung minsan ay parang ipot ng manok. Mabaho, madumi, nakakadiri pero kapag inihalo mo sa lupa ay nagsisilbi itong fertilizer na tutulong upang maging mabunga ang isang halaman.
Kaya kung binabagyo man ang inyong buhay ng masasamang pangyayari sa kabila ng mga pagsisikap at pagdalangin sa Diyos, huwag mawalan ng pag-asa. Sa likod ng mga kabiguan ay may sorpresa palang biyaya na naghihintay sa atin.