Sa mga nakalipas na araw muling nambulabog ang mga riding in tandem criminals kabilang na ang mga pagpaslang at panghoholdap sa mga establisimento partikular sa mga restaurant.
Ngayon, target din ng mga ito maging ang mga kostumer na kinukulimbatan ng mga gamit.
Ang matindi pa, nagagamit pa ang motorsiklo sa mga ambush o pagpaslang.
Matitindi ang gawa ng mga ito, madalas dalawa o tatlong motorsiklo ang gamit na may mga angkas pagtigil sa target nilang establisimento sabay baba sabay deklara ng holdap.
Sa ilang insidente naman ng ambush, na madalas makunan ng CCTV na tatabihan lang ang target sabay putok, tapos takas.
Dito nga pinuna ang PNP na baka nga raw dahil sa operasyon sa mga ‘tambay’ o lumalabag sa mga city ordinance eh napapabayaan na ang pagbabantay sa mga riding in tandem criminals.
Ayon kay NCRPO chief Guillermo Eleazar na hindi nila inaabandona ang operasyon laban sa mga tandem criminals, katunayan ay pinalakas nila ang intelligence laban sa mga riding in tandem criminals at inaaasahan nila na mailalabas na ang guidelines na ipapatupad laban sa mga ito.
Bagamat visible naman sa maraming lugar lalo na sa gabi ang mga checkpoints ng pulisya mukhang nakakalusot pa rin ang mga kawatan at kriminal
Eto ha magaling umiwas ang mga kawatan, alam nila kung saan may nakalatag na checkpoint malayo pa lang umiiba na ito ng mga daan.
Dapat siguro mag-iiba-iba rin ng lugar ang pagsasagawa ng checkpoint at hindi sa regular na lugar na kanila itong nilalatag. Nakakabisa ng mga kawatan ang lugar kaya sila umiiba rin ng daan o ruta.
Bukod sana dito ay mapalakas pa ang police visibility lalo na sa mga sinasabing estratihikong lugar, yung mga lugar na maraming lusutan na siyang madalas daanan ng mga kawatan.
Dito ay dapat na tumulong o mamobilisa ang mga opisyal at tauhan ng barangay, kasi nga sila ang mas nakakaalam sa lugar na kanilang nasasakupan.
Wala na nga yata ngayong nagpapatrulya sa gabi na mga tanod hindi tulad ng dati, kaya nga maski mga tambay inaasa na sa pulisya ang pagsita na dapat sila ang may trabaho nito.
Bagamat naka-duty sa barangay hall na lamang nakatambay at doon naghihintay ng mga idudulog sa kanilang kaso.
Sa mga bagong upong barangay chairman na dapat sila ang mas nakakaalam kung sino o ano ang rekord ng mga nakatira sa inyong nasasakupan. Kayo ang number one na makakatulong sa pagsugpo ng krimen sa inyong lugar.
Kadalasang gamit na motosiklo ng mga kriminal at kawatan ay ang mga ‘for registration’ lamang, dapat siguro na ipagbawal na rin ang pagtakbo sa lansangan ng mga ganito. Hanggat walang plaka ‘wag na munang payagang bumiyahe.
Dapat bago magamit ang kanilang motorsiklo may plaka na ito. Ito kasi ang sinasamantala ng mga kawatan at kriminal sa kanilang mga operasyon.