^

Punto Mo

Mas malalang klase ng tambay

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

HANGO ang salitang istambay sa English na stand by na ang ibig sabihin ay manatiling tapat, humanda sa pagkilos, pagsuporta o pagtulong.  Kaya maganda ang orihinal na kahulugan ng tambay, ito’y isang taong naghihintay upang tumulong sa iba. Kung sabagay, noong ako’y lumalaki sa Tundo, ang mga tambay ang takbuhan namin upang patulong kapag may mabigat na bubuhatin o magpabili ng isang bagay sa kalapit na kanto.

Ngayon, ang karaniwang alam natin sa tambay ay isang tao o grupo ng mga tao na naglalagi sa kanto (kanto boy ang isa pang taguri sa kanila) o sa isang sari-sari store na karaniwan ay nagkukuwentuhan o kaya’y nag-iinuman. Dahil sa mga gulong kinasasangkutan ng mga tambay, may mga lugar na ipinagbawal ang pag-inom sa kalye o pananatili sa isang pampublikong lugar na walang pang-itaas na damit sa pamamagitan ng mga lokal na ordinansa. Ang mga gawaing ito ang ipinagbabawal at hindi ang basta pag-iistambay.

Matapos ipag-utos ni Presidente Duterte noong Hunyo 13 ang pag-aresto sa mga tambay na lumalabag sa batas o mga lokal na ordinansa, naglunsad ang Philippine National Police ng kampanya laban sa mga tambay kung saan libu-libo ang kaagad dinampot at ang iba’y ibinilanggo.  Kabilang dito ang 25-anyos na si Genesis “Tisoy” Argoncillo ng Quezon City na ikinulong kasama ng mga kriminal. Sabi ng mga kapitbahay, si Tisoy ay hinuli ng mga pulis dahil nakatambay sa isang tindahan na walang damit pang-itaas. Sabi naman ng mga pulis, siya’y hinuli dahil sa panggugulo. Sino ang nagsasabi ng totoo?  Ang masaklap, si Tisoy ay namatay apat na araw matapos ikulong dahil sa  diumano’y pambubugbog ng mga kapwa preso. Sino ang dapat managot sa kanyang pagkamatay?

Ito ang nakakaalarma sa mga kaganapan dito sa atin. Kahit na gaano kaganda ang motibo ng Presidente sa kanyang ipinag-uutos, nauuwi sa trahedya kapag ipinatupad ng kapulisan sa isang pamamaraang nalalabag ang mga karapatan ng tao.  Ang halimbawa nito ay ang kampanya laban sa illegal drugs at nadagdagan ngayon ng kampanya laban sa tambay.

Bunga ng pangyayaring ito, ipinag-utos ni National Capital Region Police Office Director Guil-lermo Eleazar na huwag gagamitin ng mga hepe ng pulisya ang salitang tambay sa mga panayam. Sa halip, ang dapat nilang gamiting salita sa mga hinuli ay “violators” ng mga  lokal na ordinansa.  Kasi nga, hindi naman illegal ang basta pag-iistambay na karaniwan ay bunga lamang ng kawalang-trabaho o kawalan ng magawa. 

Sa pananaw ko, mas dapat hulihin ang mga may trabaho naman pero walang ginagawa. May mga tambay sa mga opisina ng gobyerno na naghihintay lamang ng a-kinse at a-treinta.  May mga tambay sa mga presinto ng pulisya na sa halip na nasa kalye ay nagpapalaki ng mga tiyan sa mga opisinang airconditioned.  Mayroon pa ngang mga pulis na nahuhuling natutulog sa mga presinto.  May mga tambay sa Kongreso na ni isang batas ay walang naipasa.  May mga tambay sa mga munisipyo at kapitolyo na ni hindi mahagilap kahit sa panahon ng kalamidad.  Ito ang mas malalang klase ng tambay na ginagastusan ng gobyerno sa pamamagitan ng buwis ng mga mamamayan.  Ang mga ito ang dapat hulihin at ikalaboso dahil nakakasira sa serbisyo publiko. Biruin mo, kumakain nang hindi nagtatrabaho! Naalala ko ang sinabi ni Pablo sa 2 Tesalonica 3:10, “Huwag ninyong pakainin ang sinumang ayaw magtrabaho.”

 

TAMBAY

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with