Mag-utol, ayaw magkatabi sa libingan!

PATULOY na dinadagsa ang aming tanggapan ng mga reklamo at sumbong kaya’t rumaratsada rin kami sa serbisyo-publiko. Karamihan sa mga nagrereklamo ay nanggagaling pa sa malala-yong probinsiya maipaabot lamang ang kanilang hinaing.

Inuulit ko, wala kaming pinipili at hindi gawaing mamili ng sanib puwersang BITAG-Kilos Pronto. Hangad namin makatulong sa mga inagrabyado, niloko at tinarantado.

Nitong mga nakaraang araw halos away pamilya ang aming nasasalamuha. Alam natin na lupa ang kadalasang pinag-uugatan ng sigalot subalit itong lumapit sa amin ang request ba naman ay kung puwedeng ‘di sila magtabi ng utol niya sa libingan.

Aniya, sila ay magkapatid lamang sa ina kaya may mga bagay na ‘di pa rin napagkakaunawaan. Napakamot ako sa ulo, mantakin mo buhay pa, pinag-aagawan na ang huli nilang hantungan.

Mismong nanay nila ang bumili ng memorial plan para sa kanilang magkakapatid, noong buhay pa ito. Hindi ko napigilang sambitin sa kanya, “baka bumangon sa hukay ang nanay mo at sakalin ka para lang magkaayos kayo!”

Bagamat biro ang aking pagkakasabi, may nakatagong mensahe ito para sa kaniya na alam kong na-gets naman niya. Sa totoo lang, iniiwasan naming makialam sa mga usaping pangpamilya.

Hindi namin gawain na kalkalin ang bawat puntos na kanilang iniisip at nararamdaman. Ang totoo niyan nagpapasalamat pa ako sa Panginoon dahil sa talento na ibinigay niya ay makakatulong at makakapagbahagi ako sa kapwa.

Inaamin ko na hindi pangkaraniwan ang ganitong klaseng reklamo at ayaw namin na masa-yang ang kanilang oras kaya’t minabuti namin na magbigay ng kaalaman at tulungan na mag-isip ng kritikal tungkol sa nasabing reklamo.

Minsan mga boss, mahalaga rin ang opinyon ng iba lalo na’t hindi parte ng pamilya. Mas nagkakaroon ng linaw at balanse kapag tiningnan mo sa iba’t-ibang anggulo.

Best effort, nagbigay ako ng advice na kausapin ang kanyang kapatid at lumapit sa Loyola Plans para maging klaro ang sinasabi niyang espasyo sa kanilang libingan.

Hindi naman nila ikakayaman ‘to kaya’t para sa akin ‘di pinag-aawayan ang huling hantungan baka mamaya niyan hanggang kabilang buhay nag-aaway pa rin silang mag-utol.

Iisa lang ang buhay natin sa mundong ‘to at darating ang panahon na magiging abo tayo kaya’t mas mabuti na piliin ang payapang buhay, magmahalan!

 

Show comments