BINALAHURA ang Laguna Lake sa mga hangganan ng Taguig, Taytay at Angono, Rizal, pero pinaka-matindi ang 37 ektarya na ginawang landfill at pinatag na mistulang gagawing mamahaling subdivision o commercial center na karatig ng C-6 Road na bumabaybay sa Taytay, Taguig at Bicutan.
Ayon kay LLDA Gen. Manager Jaime Medina, illegal ang ginawa ng mga kontratistang IPM Construction and Dev. Corp. at Level Up Construction and Dev. Corp. na mga kontratista ng landfill sa nasasakupan ng Barangay Calzada, Taguig City na nasa perimeter ng Laguna Lake. Kahawig ito ng reclaimed areas na okupado ng Harbor Center sa Manila. Hindi malayong may commercial agenda ang nasabing landfill-reclamation area dahil strategic ito para ma-develop na high-end subdivision o dili kaya ay commercial-residential center tulad ng Eastwood, Quezon City.
• • • • • •
Neric Acosta, kumusta ka na?
Taon 2012 pa ito nagsimula sa panahon ni LLDA Gen. Manager Neric Acosta na isang talunang senador sa line-up ni P-Noy noong 2010. Kung walang permiso na gawing landfill ito mula sa LLDA at tanging ang Taguig City lamang ang kausap nito noon, anong arrangement meron at kinunsinti ni Acosta ang ganito?. Kilalang-kilala ni Gina Lopez si Neric, kahit nakatalikod!
Kamakailan lang lang ay nag-photo-ops pa si Mayor Lani Cayetano ang asawa ni DOF Sec. Allan Peter Cayetano at inanunsyo nito na passable na ang C-6 Road kahit hindi pa naman talagang tapos ito.
Commercial areas na ang magkabilang panig ng C-6 Road, at tiyak na mas magiging attractive ang landfill-reclamation area na ito sa SM at Robinsons Mall. Ang ganda naman talaga! Magkano nga?
• • • • • •
Angono, Rizal imbestigahan din
Sa Barangay Kalayaan sa Angono, Rizal ay may landfill din na iniaangal ng homeowners ng Rainbow Subdivision, dahil nawalan ng labasan ng tubig tuwing tag-ulan sa pagsusulputan ng mga squatters sa nasabing landfill. Binabaha ng todo ang nasabing subdivision at walang magawa ang homeowners dito kung hindi magtiis. Nagbigay ng libreng bangka ang munisipyo sa mga apektadong residente at pinangakuan ni Mayor Gerry Calderon na aayusin nito ang lahat. Wala mang malaking commercial value ang nasabing landfill, maraming boto naman ang laman nito sa kung sino ang pulitikong kunsintidor dito. Ano sa palagay n’yo Mayor Calderon at Barangay Captain Bernie Balagtas?
May karma nga lang ‘yan sa huli! Teka nga, bakit ba nasuspinde si Mayor Calderon? Nagtatanong lang po!