HINDI lamang sa mga estero sa Maynila namumutiktik ang basura kundi pati na rin sa ilang kalye. Sa Tejeron St. (malapit sa boundary ng Maynila at Makati) ay namumutiktik ang basura kaya nagkakaroon ng trapik. Kinain na ng basura ang kalye kaya kumitid na at nagiging dahilan nang matinding trapik.
Tambak din ang basura sa may Road 10 at sa Blumentritt St. Umaalingasaw ang baho. Napakaraming langaw. Ilang araw nang nakatambak ang mga basura na banta sa kalusugan ng mga residente. May tambak din ng basura sa ilang lugar sa Quiapo at Sta. Cruz Area.
Kahapon, galit na binisita ni Mayor Joseph Estrada ang mga lugar na maraming basura at sininghalan ang barangay chairman na nakakasakop. Ilang sandali pa at pinahakot na ang mga basura. Nang mawala ang tambak ng basura, nawala rin ang maraming langaw na banta sa kalusugan ng mga residente.
Maaari naman palang ipahakot ang mga basura ay kung bakit kailangan pang itengga pa ng kung ilang araw. Hihintayin pang magkasakit ang mga residente bago ipahakot? Kaya hindi maubus-ubos ang mga ipis at daga sa maraming lugar sa Maynila ay dahil sa mga basura.
Ilang taon na ang nakararaan, isang American actress ang dineklarang “persona non grata” ng Maynila dahil sa sinabi nitong maraming daga at ipis sa Lungsod ng Maynila. Sa galit ni dating Mayor Alfredo Lim, binalaan ang aktres na hindi na ito makakabalik sa lungsod.
Nakakasira ang sinabi ng aktres. Nakakainsulto. Pero dapat din namang tanungin ng mga namumuno sa lungsod kung may katotohanan ang sinabi ng American actress. Baka naman puwede itong gawing hamon para linisin ang Maynila.
Maraming basura sa mga estero sa Maynila. Ginawang basurahan ng mga iresponsableng informal settlers. Dahil tambak ang basura, wala nang madaluyan ang tubig. At ang resulta: baha!
Kailan magkakaroon ng disiplina ang mga naninirahan sa mga gilid ng estero, sapa at ilog? Dapat magpakita ng bangis ang mayor ng Maynila sa mga nagtatapon ng basura.